Pang sampu na! Eto ang ibig sabihin ng ilang mga salitang madalas naririnig mo sa liga.
Kapag nanonood ka ng battles sa FlipTop, siguradong may mga salita na dito mo unang narinig. Hayaan mo kaming ipaliwanag sa’yo ang kahulugan ng mga ito. Kung bago ka palang dito, nasa pang sampung kabanata na tayo. Pwede mong balikan yung una hanggang pang siyam sa articles section ng website. I-search mo nalang yung titulo. Huwag na natin ‘to pahabain pa. Mag-simula na tayo…
Showmanship
Sa mundo ng battle rap, maliban sa rap skills, importante din ang showmanship. Ano nga ba ito? Ito yung kakayahan mong aliwin ang mga manonood. Oo, kailangan mahusay ka sumulat, pero tandaan na dapat malakas din ang iyong delivery, maganda ang timing ng bawat bitaw, at may sapat na emosyon sa mga linya. Yung huling tatlong nabanggit ay pasok sa tinatawag na showmanship. Kung wala kang showmanship, madali kang sapawan ng kalaban lalo kung matindi ang presensya niya.
Big/main stage
Hindi ibig sabihin na literal na malaking stage o venue. Kapag sinabing big o main stage sa FlipTop, ito yung mga event gaya ng Second Sight, Gubat, Bwelta Balentong, Zoning, Ahon, at iba pa. Kapag pasok ka na sa opisyal na roster ng liga, sa big/main stage ka na rekta magtatanghal. Sa mga UFC o boxing fans, ito yung tinatawag na main card o yung katumbas ng isang PPV event.
Small room battle
Ano naman yung small stage o small room na tinatawag sa liga? Ito yung mga event gaya ng Process of Illumination at Won Minutes na kung saan papatunayan mo na kaparapat-dapat kang mapabilang sa FlipTop. Ganunpaman, may ilang mga small stage events din na kung saan may mga sumalang na beterano. Posibleng pang tanggal kalawang nila o namiss lang din mag-rap sa ganung setup.
Panalo tayo lahat dun
Malamang ilang beses mo na ‘to narinig kay Anygma tuwing may magandang laban. Panalo tayong lahat dahil maliban sa sulit ang binayaran nating ticket o oras na nilaan, nabusog pa ang ating diwa. Dahil dito ay parte na rin tayo ng kasaysayan ng FlipTop dahil nasaksihan natin ito. Kayo? Ano sa tingin niyo yung mga laban na panalo tayong lahat? Sabihin niyo lang sa comments.
Modernong format
Simple lang ang depinisyon nito. Yung nakikita niyong mga laban na acapella at written (na pwedeng haluan ng freestyle) gaya ng FlipTop ay ang tinatawag na modernong format ng battle rap. Ang labanan kasi dati ay laging may beat at purong freestyle. Kalagitnaan ng dekada ’00 ay umusbong na sa America yung stilo ng battle rap na nakasanayan na ngayon sa buong mundo. World Rap Championships at Ulitmate Rap League ang kinikilalang mga liga na unang nagpasikat ng ganitong format.
"Battle lang"
Marami na tayong mga nasaksihang maiinit na laban sa FlipTop. Ito yung mga battle na maraming nadamay o kaya may tinalakay na mga sensitibong usapin. Umaabot pa minsan sa konting pisikalan o angasan. Madalas pagkatapos ng ganitong klaseng salpukan ay sinasabi ng emcees na ito ay “battle lang”. Pinapaalala lang nila sa kalaban pati manonood na wala silang lehitimong galit o sama ng loob. Ginawa lang nila ito para sa sining ng battle rap. Relax lang!
Kahit naka sampung kabanata na kami, garantisadong may ilan pa kaming hindi nasama dito. Paki-comment nalang kung ano yung mga yun at ilalagay namin sila sa part 11. Salamat sa mga nagbasa at kung may kilala kayong bagong fan na di pa alam ang mga ‘to, pakipasa nalang sa kanila. Magkita-kita tayo sa susunod na events ng FlipTop!