Malapit na ang Ahon 16! Tara at pagusapan natin yung lineup ng day 1.

Ilang linggo nalang at Ahon 16 na! Ito ay gaganapin sa Disyembre 13 at 14, 2025, at ang venue ay sa The Tent sa Las Pinas. Sa mga ‘di pa nakakaalam, simula pa nung 2010 ay ito na ang isa sa pinaka malaking event ng FlipTop pati na rin ng buong Filipino hip-hop. Dito maglalaban ang mga “best of the best” ng taon at syempre, dito magkakaalaman kung sino ang magkakampeon sa Isabuhay Tournament.
Habang naghihintay tayo, pagusapan muna natin ang matinding lineup. Simulan natin sa day 1! May walong laban at bawat isa ay talagang kaabang-abang. Huwag natin pahabain pa. Game na…
Tipsy D vs Mhot
Naghamunan nung nakaraang taon at sa wakas ay mangyayari na! Kung hindi ka excited para sa Tipsy D vs Mhot, nagsisinungaling ka. Ito ay laban ng dalawa sa pinaka mahusay pagdating sa teknikalan. Maliban diyan, walang makakatanggi sa lakas ng kanilang references, rhyme schemes, at presensya. Galing sa tatlong solidong panalo si Tipsy D kaya malamang mas ganado pa siyang makipag duelo ngayon. SI Mhot naman ay 2023 pa nung huling sumabak sa FlipTop kaya siguradong handa na ulit siyang mag-iwan ng marka sa liga. Undefeated na kampeon si Mhot at respetadong beterano naman si Tipsy. Nakikita namin na ito yung battle na panalo tayong lahat! Battle of the year candidate? Posibleng posible!
M Zhayt vs Ruffian
Mukhang purong lirisismo din ang iaalay satin nila M Zhayt at Ruffian. Galing man sa talo si Ruffian, hindi pa rin maitatanggi na napaka tindi nung mga panalo niya bago nun. Mas lalo pang lumalakas hindi lang ang kanyang pen game kundi pati ang buong performance niya. Si M Zhayt naman ay galing sa panalo at ang lupit ng pinakita niya dun. Nag-eksperimento siya ng iba’t ibang stilo at nananatiling matalas ang delivery niya. Malaki ang tsansang maging battle of the night ‘to lalo kung A-game parehas. Naniniwala naman kami na totodo sila dito.
Pistolero vs Harlem
Unexpected na matchup pero mukhang dikdikan ‘to! Parehas matindi sa well-rounded na materyal pati paghalo ng freestyle at written. Mapaminsala din ang kanilang paraan ng pag-breakdown ng stilo ng kalaban. Kayang kaya nilang bumitaw ng masasakit na kataga tapos sisingit ng patok na komedya at iba pang mga elemento. Mas nagiging epektibo ang mga bara nila dahil sa polido nilang delivery. Galing sa talo si Pistolero kaya tiyak na totodo siya para makabawi. Panalo naman si Harlem sa huling laban at malamang ay hangarin niyang ituloy ang winning streak.
Jonas vs Emar Industriya
Syempre, meron ulit tayong exciting na style clash! Alam naman natin na si Jonas ang pinaka epektibo ngayon sa jokes pero napatunayan niya ulit nung huling laban niya na armado din siya ng samu’t saring elemento. Mas lumakas pa ang kanyang tugmaan at flow at kapag nagseseryoso ay damang dama mo pa rin. Si Emar naman ay patuloy sa pag-angat ng bandera ng kaliwang lirisismo pero napaghahalo na rin niya ‘to sa mga tradisyonal na stilo. Nandiyan din ang kanyang mapaglarong flow at grabeng imagery. Humanda sa isang unpredictable at exciting na laban!
Manda Baliw vs SlockOne
Gusto mo ng entertaining na battle? Pwes, siguradong ito ang ibibgay satin nila Manda Baliw at SlockOne. Panalo sila sa huling battles nila sa liga at hanep yung performance nila dun. Bagama’t kilala sila sa sobrang bentang jokes, walang duda na kayang kaya din nilang makipagsabayan sa teknikalan, rektahan, at tugmaan. Lagi pa silang may kumpyansa pag tumatanghal sa entablado kaya asahan niyong malupit ang ipapakita nila sa Ahon 16. Syempre, nandiyan ang komedya, pero tingin namin ay may mga ipapakita silang mga bago na atake dito. Abangan!
Bisente vs Jamy Sykes
Ang tindi ng bagong henerasyon ng liga at silang dalawa ang patunay. Talo man si Jamy Sykes nung Zoning 20, nananatiling mabangis ang kanyang lirisismo, tugmaan, at pagbigkas. Sobrang lawak ng kanyang bokabularyo at talagang unpredictable ang flow niya. Si Bisente naman ay mabisang pinaghahalo ang street style at teknikalan at laging epektibo ang agresyon niya sa pagtanghal. Panalo siya nung nakaraan kaya naman siguradong mas lulupitan pa niya sa labang ‘to. Pwede ‘tong maging sleeper battle of the night.
Dodong Saypa vs Blizzard
Sila ang dalawa sa mga tumatak sa Won Minutes nung nakaraang taon! Ano ang maaaring mangyari sa battle nila Dodong Saypa at Blizzard? Humanda sa kakaibang mga konsepto at todo laughtrip na mga bara. Nakilala agad sila sa kanilang orihinal na komedya na mas pumapatok pa dahil sa makulit na delivery nila. Sunod-sunod sila kung bumato ng punchlines kaya naman siguradong hindi ‘to magiging boring hanggang sa huling round! Dahil Ahon ‘to, garantisadong paghahandaan nila ito. Excited na kami sa mga ipapakita nila.
GL vs Keelan vs 3rdy vs Bagsik vs Atoms
Ang pagbabalik ng Royal Rumble sa FlipTop! Marami ang nagaabang sa mga magiging konsepto at atake ni GL dahil sa nakaraang performances niya na talagang namang makasaysayan, pero huwag niyo rin mamaliitin yung ibang mga kasali dito. Nandiyan ang 2024 Dos Por Dos Champ na si Atoms, isa pang solidong tumeknikal na si 3rdy, malupit na well-rounded na si Keelan, at ang marahas na si Bagsik. Laging maaksyon ang Royal Rumble at kung titignan mo ‘tong lineup, mukhang magiging sobrang exciting din ‘to!
READ ALSO: The Importance of Ahon
Para sa pre-sale tickets, ang presyo ng SVIP ay 3400 pesos para sa 2 days at 1900 pesos naman para sa 1 day. Sa VIP, 2400 pesos ang 2 days at 1500 pesos ang 1 day. Sa GenAd, 1600 pesos ang 2 days at 1000 pesos ang 1 day. Para naman sa walk-in, 2400 pesos ang SVIP, 2000 pesos ang VIP, at 1500 pesos ang GenAd. Paalala na ubos na ang SVIP pero wag mag-alala, available pa rin ang VIP at GenAd. Mag-PM lang sa pahina ng liga sa Facebook o bumili in-store sa Baraks (Waze/Google Map: Baraks, Mandaluyong).
Makakabili ka rin sa mga opisyal na resellers, I-click mo lang ‘to. May kasamang isang libreng FlipTop Beer nga pala ang bawat ticket. Kung nakakuha ka na, magkita nalang tayo sa Disyembre 13 at 14. 3PM ay magpapapasok na sila sa venue tapos 5PM naman ang simula ng programa. Ahon 16, mag-ingay oh!