Kung bagong emcee ka o nais mong pumasok sa FlipTop, eto ang opinyon ng ilang fans kung pa’no ka tatatak.

Walang dudang sobrang lakas ng bagong emcees nung mga nakaraang taon. Isipin mo, tatlo na agad ang nagkampeon: sila Atoms at Cygnus sa Dos Por Dos² 2024 at Katana sa Isabuhay 2025. Ngayong 2026, mukhang madadagdagan ulit ang roster ng liga dahil kanina lang ay inanunsyo nila sa kanilang pahina sa Facebook ang Process of Illumination 8. Nagtanong kami sa limang solidong fans ng FlipTop kung ano ang mga nais nilang makita sa susunod na henerasyon. Halika’t basahin natin! Ito ay pananaw lamang nila kaya kung di ka sangayon, di na kailangang manggulo pa.
Fan 1:
Originality pa rin ang pinaka importante para sa’kin eh. Kung sasali ka ng FlipTop tapos kokopyahin mo lang yung stilo ng mga sikat eh parang sayang lang din. Ba’t ka pa namin aabangan kung ilang beses na namin narinig yan? Tandaan na kaya tumatak agad si Katana dahil may bago siyang pinakita! Sana ganun din sa inyo. Gulatin niyo kami.
Fan 2:
Fan naman ako ng lirisismo at teknikalan, pero minsan nakakamiss rin talaga yung mga direkta na atake lang. Oo, meron naman ilan na ganun yung stilo ngayon, pero sana marami rin sa mga bago. Ano naman kung sobrang lupit ng wordplay mo pero wala naman kinalaman sa kalaban? Ang ganda ng simile at metaphor mo pero yung punchline di rin naman kumonekta. Wala rin, ‘di ba? Gusto ko sanang makakita ng emcees na kahit simple lang lumetra ay tumatagos pa rin ang bara.

Fan 3:
Wala naman akong hinahanap na specific na stilo. Ang hiling ko lang sa susunod na henerasyon ay sumunod na sa time limit lol! Marami namang mga classic battles na overtime pero minsan ay gusto ko rin makanood ng siksik na rounds. May ilan kasi na sa sobrang haba ng berso ay nakakaumay na lalo na pag mahaba ang setup. Para sa’kin, masusukat ang husay mo bilang emcee kung kaya mong paingayin ang crowd sa mas maikling oras.
Fan 4:
Saludo kayla Emar Industriya at Zend Luke! Dalawang makata sa FlipTop na pinapakita kung ga’no katalas ang wikang Filipino. Sana madagdagan pa sila para naman mas lumawak lalo ang lirisismo sa liga. Ito ay “battle” rap pero hindi laging kailangan wasakan ng pagkatao. Minsan ito rin ay palawakan ng bokabularyo at kaalaman. Kung mas dumami pa ang mga ganyan ay tiyak makakahatak ng madami pang mga manonood.

Fan 5:
Kung magkakaroon man ulit ng komedyante, gusto ko sana yung malalim yung atake. Isipin niyo mala-balagtasan yung bitaw niya pero puro katatawanan yung materyal. Syempre, dapat malikhain din yung mga gagamiting salita. Astig yun! Puro jokes siya pero may kakaibang mga salita at konsepto. Tingin ko papatok sa tao yan at posibleng maging top-tier pa lalo na kung laging consistent.
READ ALSO: “Unang Banat Kay…”: 12 Tips Para Sa Mga Baguhang Battle Emcee
Wala pang detalye tungkol sa Process of Illumination 8 kaya maghintay nalang muna tayo sa ngayon. Kayo? Sino mga gusto niyong makita sa bagong batch ng rookies? Wag mahiyang magbigay ng opinyon sa comments section. Sobrang daming magaling sa eksena ng underground kaya kaabang-abang talaga itong tryouts. Para sa mga sasali, goodluck sa inyo! Excited na kaming mapanood kayo. Galingan niyo, ha!