Ano nga ba talaga yung Langit Lupa Tournament? Alamin dito!

Pagkatapos ng ilang araw na hulaan ng fans at emcees, opisyal nang ipinakilala ng FlipTop ang bago nilang tournament na Langit Lupa. Inanunsyo ito nung Sabado (ika-21 ng Pebrero 2026) sa pahina ng liga sa Facebook. Ngayon, kung di mo pa yun nababasa, pwes, hayaan mong ipaliwanag namin ito sa’yo dito.
Simple lang naman ang konsepto nito. Ito ay single-elimination tournament kagaya ng Isabuhay. Ang pinagkaiba lang ay yung lineup ng emcees. Sino-sino nga ba ang mga maglalaban dito? Yung mga pambato ng mga underground na liga sa bansa. May isang magrerepresenta sa bawat liga at ang finals, gaya ng Isabuhay, ay sa Ahon din gaganapin. Labing-anim na liga, labing-anim na emcees!

Para sa selection process ng mga sumali, nakipag-ugnayan si Anygma sa mga league owners at representatives pagkatapos ng sariling research at assessment. Maraming napiling mga kampeon sa kanya-kanyang torneo pero meron ding mga napili na masasabing pinaka matindi ngayon.
Ang malupit pa dito sa Langit Lupa ay literal na nationwide ito. Merong Metro Manila, Cebu, Caraga Region, Hiligaynon Region, Cagayan de Oro, Bataan, Bulacan, Pampanga, Cabanatuan, Waray Region, Gensan, Cavite, at Bicol Region. Matatawag din itong olympics ng mga underground na liga kaya talaga namang kaabang-abang!
Sa ngayon, ang impormasyon palang tungkol sa unang round ay ang petsa. Sa Marso 21 magsisimula ang mga laban para sa Langit Lupa Tournament. Abangan ang iba pang announcements dito sa website pati sa FB sa mga darating na araw. Wag niyong palampasin ‘to! Mag-ingay!