General

Bakit Iba Pa Rin Pag Live? (Ayon Sa Fans)

Nagtanong kami sa ilang FlipTop fans kung bakit sulit na sulit manood ng event live.

Ned Castro
April 25, 2025


Malamang narinig mo na yung mga salitang “iba pa rin pag live” pagdating sa battle rap. Totoo nga ba ‘to? Talaga bang hindi malilimutan na karanasan ang pagpunta sa isang FlipTop event? Nagtanong kami sa ilang mga solidong sumusuporta sa liga kung bakit dapat kang manood nang live. Kung hanggang ngayon ay nagdadalawang isip kang pumunta sa susunod na paligsahan, baka makatulong ang mga ‘to. Simulan na natin…

Fan 1:
Iba pa rin pag live dahil mas mararamdaman mo yung hampas ng bawat linya pati yung enerhiya ng emcees. Masaya naman manood sa YouTube pero kadalasan kasi laging may distractions. Hindi katulad ng live na talagang nakatutok ka sa entablado kaya mas mauunawaan mo yung sining na pinapamalas ng mga manlalaro.

Fan 2:
Alam naman natin na mas exciting ang battles pero isa pang nagugustuhan ko kapag nanonood nang live ay yung mga makikilala mo sa venue. Ilang beses na akong pumunta mag-isa at bawat event ay may mga nakilala akong bagong tropa. Masasabi kong solido ang komunidad ng FlipTop kahit sa mga tulad kong tagahanga. Huwag kang mahiyang pumunta kahit mag-isa ka lang dahil siguradong marami kang makakasundo dito.

Fan 3:
Ang sarap lang sa pakiramdam na makasama ka sa mga malalakas na reaction na naririnig mo lang sa video. Yung tipong may linya na sobrang lupit o kaya naman sobrang nakakatawa na hindi mo mapigilang maglabas ng emosyon. Parang nagiging parte ka na agad ng kasaysayan kapag isa ka sa mga humiyaw o tumawa. Yan ang masasabi kong isa sa pinaka masayang experience kapag nanonood live. Syempre, matik din na mas exciting ang battles!

Fan 4:
Oo, mas intense talaga kapag napapanood mo yung bakbakan sa personal, pero isa pang maganda sa live ay yung pagkakataon na makilala mo yung mga emcees. Ilang beses na kaming nakapagpa-picture sa mga idolo namin at marami sa kanila ang nakakausap na namin tuwing event. Mababait karamihan sa kanila kaya wag kayong ma-intimidate pag nakita niyo sila. Ang dapat lang tandaan ay respetuhin yung mga emcee na lalaban palang. Saka niyo na sila kausapin pag tapos na yung battle nila.

Fan 5:
Kung sa online ay may mga linyang mas naiintindihan mo, sa live naman ay merong mga mas mauunawaan mo. Tingin ko dahil mas dama mo yung delivery pag harap-harapan mong masasaksihan at dahil unang beses mo ‘to maririnig tapos walang rewind-rewind. Sa madaling salita, para sa’kin, mas magiging bukas ang isipan mo sa iba-ibang stilo.

Fan 6:
Parang wala pang nagsasabi nito pero isa sa rason kung bakit ayos na ayos manood live ay kita mo yung buong eksena. Sa video kasi kadalasan kalahati lang ang nakikita mo, diba? Ibang experience yung napapanood mo din yung reaksyon ng isang emcee habang round ng kalaban. Mas “kumpleto” yung experience kung baga! Kapag sa jokes naman nakatutok yung laban, nakakatuwa ding masaksihan yung tawanan nila Anygma pati yung ibang emcees. 

READ ALSO: Pre-event Review ng Second Sight 14

Ano? Naengganyo ka bang manood sa susunod na event? Pwes, Second Sight 14 na sa Sabado! Sold out na ang SVIP tickets pero meron pang natitirang VIP at GenAd. Kuha ka na bago pa magkaubusan. Para sa ibang detalye, pakibasa nalang yung piyesa sa taas. Sa mga may ticket na, kita-kita nalang ngayong Sabao sa Metrotent. Iba pa rin talaga pag live!

Related Topics:
FlipTop battle rap live fanbase


MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT