Nagtanong kami sa ilang fans kung ano ang tingin nilang mga mangyayari sa Isabuhay 2026. Tara at basahin natin.

Alam na natin ang lineup ng Isabuhay 2026! Nagtanong kami sa anim na matagal nang fans ng FlipTop kung ano ang mga prediksyon nila sa torneo. Hindi ito tungkol sa kung sino mismo ang tingin nilang magkakampeon. Ito ay tungkol sa mga posibleng mangyari sa buong taon ng kompetisyon. Wag na natin pahabain pa. Simulan na natin…
Fan 1:
Malaki kutob ko na panahon ‘to ng bagong henerasyon! Dalawang first-timers ang magbabakbakan sa finals at mag-iiwan sila ng marka sa eksena. Kung papanoorin niyo yung mga up-and-comers na kasali sa tournament, grabe ang huling performances nila at marami rin silang mga kakaibang atake. Saludo pa rin lagi sa mga beterano, pero para sa taon na ‘to, sa rookies ako.
Fan 2:
Iba naman ang aking opinyon kumpara kay fan 1. Ako tingin ko may FlipTop OG na muling manggugulat sa ating lahat. Kaya sumali ang mga ‘to dahil may gusto ulit silang patunayan. Aasahan ko na may isa o pwede mas marami pa na dadalhin ang A-game at sasabayan ang anumang kasalukuyang “meta”. Wag niyo kami bibiguin mga idol!
Fan 3:
Kung titignan mo ang lineup, may tsansang higitan nito ang nakaraang mga torneo. Maganda ang kombinsayon ng mga beterano, first-timer, pati mga underrated na pangalan. Bawat isa ay kilala sa solidong lirisismo at presensya kaya inaasahan kong bakbakan ang mga labang magaganap dito. Hindi na ako magugulat kung karamihan dito ay magiging kandidato para sa battle of the year. Sana lang ay hindi ako nagkakamali! Mataas ang ekspektasyon ko mga sir.
Fan 4:
Alam ko naman na magiging dikdikan ang mga battles dito lalo’t madaming malulupit na kasali. Ang tanging prediksyon ko sa Isabuhay 2026 ay magkakaroon ng ilang mga bagong “meta”. Hula ko ay maglelevel up ng sulat ang bawat emcee at tiyak na mag-iingay ang mga manonood live pati na rin online. Magkakaroon din ng mga linya na talagang tatatak at mababanggit sa mga susunod pang henerasyon. Kaabang-abang ang mga mangyayari!
Fan 5:
Tingin ko naman na magiging solido mga laban dito, pero hula ko makakapanood tayo ng pinaka makasaysayang finals. Pinagbasehan ko lang sa lineup. Lahat ng mga kasali ay may kakayahang mangwasak ng entablado at dahil tournament ito, mas totodo pa sila. Pagdating sa finals, dun na natin makikita ang “final form” ng dalawang sasalang. Sobrang saya kung magiging totoo ‘to, noh?
Fan 6:
Nangyari na ‘to ilang beses dati at prediksyon ko ay mangyayari ulit. Ngayong taon ay makakakita ulit tayo ng upset! May isa o ilang battles na hindi natin inaasahan ang mananalo at yan ang kagandahan ng ganitong paligsahan. Bagama’t may mga “favorites” sa lineup, unpredictable pa rin talaga ang laro lalo kung malakas ang iba pang kasali. I-enjoy nalang natin at laging “expect the unexpected”.

Sa buwan ng Abril gaganapin ang unang round ng Isabuhay. Balik-balikan niyo lang itong site pati ang opisyal na pahina ng liga sa Facebook para manatiling updated. Kayo? Ano ang mga prediksyon niyo? Tara at pagusapan natin yan sa comments section. Goodluck syempre sa 16 emcees na kasali. Bigyan niyo kami ng matitinding battles at performances. Excited na kami mapanood kayo. Kitakits!