Nagtanong kami sa ilang fans ng FlipTop kung bakit kaabang-abang ang Ahon 16.

Ahon 16 na sa Disyembre 13 at 14, 2025. Magaganap ulit ‘to sa The Tent sa Las Pinas. Dito mangyayari ang finals ng Isabuhay pati labinlima pang battles na talagang kaabang-abang. Nagtanong kami sa ilang solidong fans ng liga kung bakit hindi ‘to dapat palampasin. Sa mga ‘di pa sigurado kung manonood, para sa inyo ‘to. Simulan na natin…
Fan 1:
Hanep yung naratibo ng mga laban sa Ahon 16! Nandiyan syempre ang finals ng Isabuhay Tournament. Ito ay salpukan ng beterano sa liga na si Lhipkram at ang bagong henerasyon na si Katana. Parehas pa silang may bukod-tangi na stilo, kaya sobrang exciting talaga. Kung hindi ka nasasabik sa Tipsy D vs Mhot, nagsisinungaling ka. Nagsimula ito sa patok na callout ni Tipsy at sa wakas sumagot na ang undefeated na si Mhot. Bakbakang lirikal ‘to! Mukhang magiging dikdikan din ang EJ Power vs Viturm. Dito magsasalpukan ang sundalo at aktibista. Hindi ko rin makakalimutan yung Sayadd vs Zend Luke! Digmaan ‘to ng malupit na leftfield na sulatan pati marahas na delivery. Meron pang 2 battles si GL, yung laban ng semifinalists na sila Saint Ice at Ban, at sobrang dami pang iba!
Fan 2:
Sa totoo lang, walang tapon na laban sa Ahon 16. Ito yung event na kailangan mapanood lahat ng battle. Siguro ang tingin kong kailangan mas bigyan pansin pa ng fans ay yung dalawang Royal Rumble. Panoorin niyo yung mga lumang Royal Rumble sa liga. Walang boring at madalas ay unpredictable ang palitan. Mas lumalabas din ang creativity ng emcees dahil sa bagong format ng sagupaan. Syempre, kaabang-abang ang ipapakita ni GL, pero wag natin tutulugan ang iba pang mga kasali.
Fan 3:
Bakit kailangan mong manood live? Dahil Ahon ‘to! Kung bago ka lang na fan ng FlipTop, Ahon ang pinaka malaking event ng liga. Dito sasalang ang mga tinatawag ni Anygma na “best of the best” ng taon, mula beterano hanggang sa mga bago. Dahil diyan, asahan mong maraming mga kandidato para sa battle of the year ang mangyayari dito. Marami ring magsusulputang mga bagong iidolohin sa lineup, kaya siguraduhing tutukan ang bawat laban sa day 1 at 2.
Fan 4:
Mag-isa lang ako pumunta nung Ahon 15, ang pinakaunang FlipTop event na napanood ko live. Simula nun, sunod-sunod na yung mga napuntahan ko at siguradong makikita niyo rin ako sa DIsyembre 13 at 14. Oo, iba talaga pag live, lalo na kapag big event kagaya ng Ahon. Mas dama mo yung enerhiya hindi lang ng mga laban, kundi pati ng audience. Kung malakas ang crowd reaction sa video, ‘di hamak na mas malakas pag nandun ka na mismo. Base sa mga battle sa poster, mukhang magiging sobrang masaya ulit sa The Tent. Isa pa, nagsimula akong mag-isa, pero pagkatapos ay nagkaroon ako ng mga barkada. Huwag kayo mahihiya! Mababait mga tao dun.
Fan 5:
Sobrang excited ako sa battles ng Ahon 16! Gusto ko lang ipamahagi, lalo sa mga first time pupunta, na kahit yung mga laban na hindi niyo gaanong inaabangan ay posibleng maging classic. Sa tingin ko ay matindi ang masasaksihan natin sa Dodong Saypa vs Blizzard, Bisente vs Jamy Sykes, at yung dalawang Royal Rumble. Hindi sila nababanggit masyado sa usapan sa social media pero wag kayong magulat kung papaingayin din nila ang venue! Suportahan natin bawat isang battle dito.
READ ALSO: Let’s Take It Back: The Very First Ahon Event
Makakabili ka na ng tickets sa Baraks. Mag-PM lang sa opisyal na pahina ng liga sa Facebook o pumunta sa shop mismo (Waze/Google Map: Baraks, Mandaluyong). Abangan din ang mga post tungkol sa ticket resellers. Nasa poster ang kumpletong detalye. Sa mga nakabili na, magkita nalang tayo sa Disyembre 13 at 14 at sama-sama maging parte ng kasaysayan. Ahon, mag-ingay oh! Kayo? Bakit kailangan manood ng Ahon 16 live? I-share niyo lang sa comments section.