Bagong fan ka ba ng FlipTop? Eto ang kahulugan ng ilang mga sikat na salita na naririnig mo sa battles.

Kapag nanonood ka ng battles sa FlipTop, siguradong maraming mga salita na madalas mong naririnig dito. Maliban sa mga laban ay nababanggit din ang mga ‘to sa judging, comments section, o sa mga reaction at analysis videos ng emcees pati ni Anygma. Maaaring hindi mo pa alam ang tamang kahulugan ng ilan sa mga ‘to, pero huwag mag-alala! Aming ibibigay ang tunay na depinisyon ng mga sikat na termino sa liga at sa battle rap.
Sa mga unang beses palang makakabasa, nasa ikalabintatlong parte na ito. Mahahanap mo yung ibang mga kabanata dito. Hindi na kailangan pa ng mahabang introduksyon! Mag-simula na tayo…
Langit Lupa
Ito ang pinaka bagong single-elimination tournament ng FlipTop! Dito maglalaban-laban ang 16 emcees na mula sa 16 underground leagues sa bansa. Tapos na ang unang round at ayon sa reaksyon live at online, marami ang talagang bumilib sa emcees at mga duelo. Literal na walang tapon sa mga laban kaya sobrang exciting ang mga susunod na bakbakan. Hindi mo pa ba napapanood? Panoorin mo na para makita kung ga’no katindi ng bagong henerasyon.
Process of Illumination
Ang Process of Illumination ay ang pamagat ng pa-tryouts ng liga. Nung una ay ginagawa ito sa pamamagitan ng live events pero ngayon, magsisimula ito sa online submissions. Ang mga mapipili ay sasalang sa Won Minutes at yung mga may malakas na performance ay garantisadong pasok na sa FlipTop. Marami sa mga bigating battle rappers ngayon ay nagsimula sa Process of Illumination.

Witty
Kapag sinabing witty ang isang linya, berso, o anggulo, ang ibig sabihin nito ay malikhain at talagang pinagisipan ang pagkagawa. Kaya pag sinabing witty ang joke ng isang emcee, hindi lang ito sobrang nakakatawa. Mabibilib ka rin sa pagsulat at/o pagtagpi-tagpi ng mga konsepto. Hindi naman kailangan malalim o ano. Basta dapat bago sa pandinig at syempre, mapapaingay ang crowd.
Deciding factor
Sobrang dikit yung laban ni emcee A at emcee B. Dikdikan talaga mula una hanggang huling round, pero ang binoto ng mga hurado ay si emcee B. Ayon kasi sa kanila, napaka lakas nung teknikal na mga linya niya. Yung teknikalan ang sinasabing deciding factor sa kanyang pagka panalo. Sa madaling salita, sa larangan ng battle rap, ito yung dahilan ng pag-wagi ng isang rapper sa isang bugbugan na battle.

Experimental
Hindi ibig sabihin ay leftfield o unorthodox agad pag sinabing experimental o nag-eksperimento ang isang emcee sa laban. Kunyari kilala ang isang rapper sa malalim na tugmaan pero sa sunod niyang laban ay dinagdagan niya ng konting komedya ang kanyang materyal. Ang ginawa niya ay nag-eksperimento sa stilo. Madalas ay epektibo ito lalo kung gusto mong gulatin ang iyong kalaban.
Narrative / Naratibo
Simple lang ang kahulugan ng narrative o naratibo. Ito ay yung pagtukoy sa iba’t ibang pangyayari na konektado sa isang tema o konsepto o sa madaling salita, isang kwento. Bago mangyari yung Tipsy D vs Mhot sa Ahon 16 ay maraming nagsasabi na maganda yung naratibo ng laban. Bakit? Nagsimula ito sa pag-hamon ni Tipsy D kay Mhot nung Ahon 15. Basta’t may naratibo o kwento sa likod ng isang battle ay siguradong kaabang-abang ito.

May mga nakalimutan ba kami? Sabihin niyo lang sa comments section. Sisiguraduhin naming kasama sila sa mga susunod na kabanata. Salamat sa pagbasa at huwag kalimutang ipasa ‘to sa mga kakilala niyong di pa pamilyar sa ibig sabihin ng mga terminong ‘to. Magkita-kita rin tayo sa ika-25 at 26 ng Abril 2026 para sa Second Sight 15. FlipTop, mag-ingay isa pang beses o!