Ano kaya ang mga mangyayari sa quarterfinals ng Isabuhay 2026? Eto ang masasabi ng ilang fans.

Nung Second Sight 15 ay ating nasaksihan ang mga laban para sa unang round ng Isabuhay 2026. May dalawa pang hindi nauupload, kaya sa mga hindi nakanood live, abangan niyo rin yan! Ang susunod na kabanata ng torneo ay gaganapin sa ika-4 ng Hulyo sa Zoning 22. Sa Metrotent ulit ang venue at kung titignan mo ang lineup, mukhang isang makasaysayang event na naman ‘to.
Habang naghihintay tayo, basahin muna natin ang prediksyon ng ilang solidong fans ng FlipTop tungkol sa quarterfinals. Hindi ito tungkol sa kung sino ang mga tingin nilang magwawagi. Tungkol ito sa tingin nilang mga mangyayari. Game na? Magsimula na tayo…
Fan 1:
Sobrang lupit nung nakaraang quarterfinals ng Langit Lupa! Dahil diyan, malamang ay hihigitan ito ng mga kasali sa Isabuhay. Humanda sa mga posibleng kandidato hindi lang sa battle kundi pati sa performance of the year. Marami rin tayong makikitang mga bago mula sa emcees, kaya abang-abang nalang. Galingan niyo mga tol! May kompetisyon na rin pagdating sa torneo sa FlipTop. Panalo tayong mga fans!
Fan 2:
Gaya ng mga nakaraang tournament, maraming mga unexpected na mangyayari dito. Hindi ko masabi kung ano eksakto pero basta kutob ko magiging mas exciting ang mga mapapanood natin. Syempre, dahil quarterfinals din ‘to, garantisado na hihigitan ng emcees ang nakaraang performances nila. Excited na ako!
Fan 3:
Meron ditong isa o dalawang emcee na manalo man o matalo ay tatatak sa bawat manonood. Posibleng siya ang dark horse na papatunayan kung bakit karapat-dapat siyang mapabilang dito. Pwede ring isang beterano na ipapaalala kung bakit nagtagal siya sa ganitong larangan. Nakatutok ako sa bawat makata sa lineup. Kaabang-abang ang mga ipapakita niyo.
Fan 4:
Tingin ko naman ay A-game lahat ng nasa quarterfinals pero maliban diyan ay may iilang mga linya ang magiging trending sa social media. Ito yung mga kataga na gagamitin sa samu’t saring memes at iba pa. Pwedeng komedya, teknikal, o kaya naman todo personal. Minsan sa battle nangyayari din yung pagkapanalo dahil sa isa o ilang mga bara lang at dito natin ‘to mapapanood.
Fan 5:
Ako fan talaga ako ng mga maiinit na battle. Hindi naman yung mag kakasikatan na sa stage, ha? Basta, yung mga duelo na talagang mararamdaman mo yung hapdi ng bawat linya. Hindi na rin ako magtataka kung makakarinig tayo dito ng grabeng personals. Parte ito ng battle rap kahit dati pa, kaya dapat sanay ka na sa ganito. Siguro ang hiling ko lang sa mga gagamit nito ay disiplina pa rin at higit sa lahat, lagyan pa rin ng sining.
Fan 6:
Maaring isa o bawat battle sa quarterfinals ay magiging sobrang dikdikan. Ito yung mga tipong pagdedebatihan pa rin ng fans yung resulta online at mas iinit ang diskusyon. Kung seryosong fan ka ng battle rap, maganda ‘to dahil ibig sabihin ay bakbakan talaga yung mga laban. Matalo man ang idolo mo, ang mahalaga ay nabigay niya ang kanyang isang daang porsyento at nag-iwan ng marka ang mga berso niya. Minsan kailangan nalang natin mag-relaks at ang I-enjoy ang programa kaysa magwala pag may mangyaring hindi naaayon sa’yo.

Tandaan na ito ay kanilang mga sariling opinyon lamang. Kung hindi ka sangayon, wag mo sila awayin. Pwede ka namang magbigay ng iyong mga prediksyon sa comments section. Meron ka na bang tickets para sa Zoning 22? Mag-PM lang sa pahina ng FlipTop sa Facebook o bumili sa Baraks (Waze/Google Map: Baraks, Mandaluyong). Nagpopost din sila sa FB at Instagram tungkol sa mga opisyal na resellers. Para naman sa mga nakabili na, kita-kits nalang sa Hulyo 4. Mag-ingay para sa quarterfinals ng Isabuhay 2026!