Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Zoning 22

Zoning 22 ang susunod na event ng FlipTop. Tara at pagusapan natin ang solidong lineup!

Anonymous Staff
June 16, 2026


Sa ika-4 ng Hulyo 2026, gaganapin ang susunod na event ng FlipTop. Ito ang Zoning 22 at muling babalik ang liga sa Metrotent sa Pasig para dito. Walong laban ang masasaksihan natin, at kalahati nito ay para sa quarterfinals ng Isabuhay 2026. Syempre, hindi rin dapat palagpasin ang mga non-tournament na salpukan.

May ilang linggo pa bago ang bakbakan kaya habang naghihintay tayo, I-rebyu muna natin ang napaka tindi na lineup. Wag na natin ‘to pahabain pa. Magsimula na tayo…

Shehyee vs SlockOne
Isa sa mga duelo para sa Isabuhay 2026! Ibang klase yung pinakita nila Shehyee at SlockOne sa unang round. Parehas A-game ang kanilang materyal at maliban diyan, buong buo ang kumpyansa nila sa entablado. Pwedeng lamang nang konti si Shehyee sa personalan at anggulo habang sa teknikalan at jokes naman si SlockOne, Ganunpaman, unpredictable umatake ang dalawang emcees na ‘to kaya siguradong magiging dikdikan ‘to. Nakakaexcite!

Poison13 vs Yuniko
Kaabang-abang na Isabuhay quarterfinals ‘to! Pagdating sa pen game, parehas silang matalas at laging epektibo ang mga anggulo nila. Walang kupas din ang kanilang delivery, lalo na kapag usapan ay agresyon. Dahil quarters na ‘to, umaaasa ang lahat na mas totodo pa sila Poison13 at Yuniko. Sa ganitong labanan ng parehas lirkal na emcees, garantisadong bakbakan ‘to ng multis, wordplays, metaphors, at iba pang mga elemento.

M Zhayt vs Saint Ice
Hindi man ‘to para sa torneo, sobrang exciting pa rin! Sa mga hindi updated, ibang klase ang pinakita nila M Zhayt at Saint Ice sa mga nakaraang laban nila. Masasabing complete package ang dalawang ‘to. Sobrang solido ng kanilang well-rounded na sulatan pero kayang kaya ding lumaban sa freestyle. Sila rin yung hindi kailanman magpapasindak pagdating sa presensya. Pwedeng kandidat para sa battle of the night ‘to!

Sak Maestro vs Manda Baliw
Usapang Isabuhay ulit. Hindi makukumpleto ang isang battle rap event kung walang malupit na style clash! Nandiyan ang isa sa pinaka hinahangaan sa teknikalan na si Sak Maestro laban sa isa sa pinaka epektibo ngayon sa stilong komedya na si Manda Baliw. Ganunpaman, ilang beses na rin nila pinakita na kaya nilang mag-eksperimento ng iba’t ibang stilo at manatiling malakas. Sobrang unpredictable nito kaya exciting talaga. Sana A-game ulit sila!

Ruffian vs Keelan
Para sa Isabuhay 2026 ulit ‘to. Gaya ng Sak Maestro vs Manda Baliw, malupit na style clash ang inaaasahan ng mga tao dito. Agresyon at purong lirisismo si Ruffian habang jokes at tugmaan si Keelan. Bagama’t may sarili silang stilo, may abilidad din silang magsama ng ibang mga elemento at ito’y tatatak pa rin. Ilang beses na silang nag-halimaw sa entabalado at dahil quarterfinals ‘to, malamang ay lalo pa nilang lalakasan. 

Batang Rebelde vs 3rdy
Laban ng dalawa sa pinaka underrated sa liga! Kung tunay na fan ka ng battle rap, alam mo dapat kung ga’no katindi ang materyal nila Batang Rebelde at 3rdy. Mabisa sila sa purong lirisismo pero kayang kaya din nilang sumabay sa kwelang jokes at brutal na mga atake. Agresibo ang delivery ni 3rdy habang mas kalmado si BR pero parehas epektibo dahil sa kanilang kumpyansa. Abangan niyo ‘to!

Towpher vs K-Ram
Ang dalawang paborito ni Anygma ay magtatapat sa Zoning 22! Siguradong hindi mababanggit si Anygma dito (lol). Maliban diyan, walang makakatanggi sa skills nila Towpher at K-Ram. Oo, sobrang lakas nila sa komedya at pagbuo ng anggulo, pero kung kailangan makipag wasakan ng bungo, pumapalag din sila. Nandiyan pa ang husay nila sa pag-rebutt pati ang hindi humihinang presensya nila sa entablado. Humanda sa isang entertaining na sagupaan!

Dave Denver vs Jamy Sykes
Kung usapang bagong henerasyon ng FlipTop, sila Dave Denver at Jamy Sykes ang madalas sa mga unang nababanggit. Mukhang mabangis na letrahan ang mapapanood natin dito. Parehas silang lirikal ang atake, pero mas leftfield si Jamy Sykes habang mas rektahan naman si Dave Denver. Pagdating sa delivery, parehas silang kayang magpayanig ng buong venue. Kung sila nga ang unang laban ng gabi, pwes, malaki ang tsansang mag-iingay agad ang crowd.

Eto ang presyo ng pre-sale tickets ay 1,200 pesos (GenAd), 1,500 pesos (VIP), at 1,800 pesos (SVIP). Para naman sa walk-in: 1,800 pesos (GenAd), 2,100 pesos (VIP), at 2,400 pesos (SVIP). May kasamang isang libreng FlipTop Beer ang bawat ticket. Mag-PM lang sa pahina ng liga sa Facebook o bumisita sa Baraks (Waze/Google Map: Baraks, Mandaluyong) para bumili. Nagpopost din sila sa FB at Instagram tungkol sa mga opisyal na resellers. 5PM ang simula ng programa pero 3PM palang ay magpapapasok na sila. Kung meron ka nang ticket, magkita-kita nalang tayo sa Zoning 22. Mag-ingay o!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT