Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Second Sight 15 (Day 2)

Ilang araw nalang at Second Sight 15 na! Pagusapan naman natin ang day 2 lineup.

Anonymous Staff
April 09, 2026


Malapit na ang ika-15 na Second Sight! Sa mga di pa nakakaalam, ang petsa ng event ay Abril 25 at 26, at ang venue ay sa The Filinvest Tent sa Alabang. Oo, Second Sight ito pero mala Ahon yung dating dahil maliban sa pagiging dalawang araw ay talagang grabe yung lineup. Dito magaganap ang lahat ng unang round ng Isabuhay 2026 at mabigat din ang non-tournament battles.

Naglabas na kami ng pre-event review para sa day 1. Kung hindi mo pa nababasa, I-click mo lang ‘to. Ngayon, pagusapan naman natin ang napaka lupit din na day 2. Gaya ng unang araw, may walong duelo tayong masasaksihan dito. Simulan na natin! 

Shehyee vs Bagsik
Ito ay para sa unang round ng Isabuhay 2026 Tournament. Kung ito nga talaga ang main event ng day 2, pwes, karapat-dapat naman. Sila Shehyee at Bagsik ay kilala sa kanilang marahas na stilo o yung tinatawag na “personals”. Makakaasa tayo dito ng masasakit na mga linya at anggulo na siguradong mag-iiwan ng marka! Maaaring lamang si Bagsik sa tugmaan at anggulo habang sa pagka-brutal  at syempre sa experience naman si Shehyee. Ganunpaman, expect the unexpected lagi. Bakbakan ‘to! 

Katana vs Invictus
Laban ng dalawang kampeon ng Isabuhay! Hanep na matchup ‘to hindi lang dahil sa kanilang titulo, kundi dahil din sa kanilang skills. Si Katana ay laging nagpapamalas ng mga panibagong atake at kayang kaya niyang ipaghalo ang epektibong komedya at teknikalan. Alam naman natin na sa palaliman ng sulat ay isa si Invictus sa pinaka mahusay, pero maliban diyan, sobrang bangis din ng rhyme schemes niya. Parehas pa silang malakas lagi ang presensya, kaya tiyak na dikdikan ang mangyayari dito. 

M Zhayt vs Plaridhel
Kalidad na lirisismo ang maaasahan natin sa battle na ‘to! Bagama’t sa purong teknikalan nakilala si Plaridhel, kasalukuyan ay nag-eeksperimento na rin siya sa mga sulat at mas lalo pa siyang lumakas dahil dito. Si M Zhayt naman, kahit matagal na sa eksena, ay patuloy na nagpapakita ng mga bago at solidong mga linayahan at konsepto. Parehas silang matindi na sa well-rounded na stilo ngayon, kaya mukhang makakakita tayo ng kandidato para sa battle of the night o baka year pa nga. Exciting ‘to!

Poison13 vs Sensei
Isabuhay 2026 matchup ito! Hater ka nalang talaga kung hanggang ngayon ay hindi ka pa rin bilib kay Poison13. Maliban sa mabibigat yung mga tinalo niya nung nakaraang taon, lalo pang lumalakas ang mga bara pati tugmaan niya. Nandiyan pa ang kanyang nakakasindak lagi na presensya sa entablado. Ito naman ang unang salang ni Sensei ‘di lang sa torneo, kundi pati sa big stage ng FlipTop. Wag na wag niyo siyang mamaliitin! Malupit na well-rounded na linyahan ang meron siya at laging kakaiba ang kanyang mga reference at anggulo. Posibleng makakita tayo ng dikit na laban!

Sayadd vs Marshall Bonifacio
Purong lirisismo pa rin ba hanap mo? Eto pa isa mula kay Sayadd at Marshall Bonifacio! Mas rekta mga bara ni Marshall habang mas “leftfield” yung kay Sayadd pero parehas matalas ang mga kataga at ibang lebel sila pagdating sa tugmaan. Kung usapang delivery naman, walang duda na laging epektibo ang kanilang agresyon. Ang pagkakaroon ng slip ups ang kasalukuyang kritisismo sa kanila, pero kung parehas silang handa (at sana ganyan nga sa Second Sight 15), siguradong BOTY candidate na ‘to agad. 

Zaki vs Ban
Hindi man pinalad si Ban sa nakaraang Isabuhay, marami pa ring bumilib sa performance niya. Talo si Zaki sa huling dalawa niyang laban, pero walang makakatanggi na malupit pa rin ang kanyang mga pinamalas. Parehas silang magaling sa pag balanse ng jokes at mga mabibigat na linya at creative sila sa pagbuo ng mga anggulo. Mas agresibo sa delivery si Zaki pero pantay lang sila kung usapang kumpyansa sa entablado. Mukhang bakbakan ‘to kung A-game ang dalawa!

Frooz vs Keelan
Duelo para sa Isabuhay 2026 ulit! Nakilala sila Frooz at Keelan sa kanilang patok na patok na komedya, pero napatunayan na din nila ilang beses na nakakasabay sila sa pang wasakan na lirisismo. Malikhain pa sila pagdating sa anggulo, kaya laging bago sa pandinig ang mga bara nila. Oo, malinaw naman na lamang si Frooz sa experience, pero wag tutulugan si Keelan. Kung parehas silang handa, magiging sobrang entertaining at unpredictable na laban ‘to! 

Goriong Talas vs Ruffian
Ito ba ang unang laban ng day 2? Kung oo, aba, bakbakan agad! Itong Goriong Talas vs Ruffian ay para sa Isabuhay 2026, at mukhang palitan ng mga brutal na linya at agresyon ang masasaksihan natin. Kilala ang dalawa sa kanilang pang basagan ng bungo na stilo, pero kaya din nilang bumitaw ng mga bentang jokes. Mas llamado siguro si Goriong Talas sa flow at sa rhyme schemes naman si Ruffian. Pantay naman ang intensity nila sa delivery. Sobrang exciting mga mangyayari dito!

READ ALSO: Let’s Take It Back: Second Sight 6

Eto ang nga pala presyo ng pre-sale tickets sa isang araw: 1000 pesos (GenAd), 1300 pesos (VIP), at 1700 pesos (SVIP). Sa mga gusto naman pumunta ng dalawang araw, 1600 pesos (GenAd), 2200 pesos (VIP), at 3000 pesos (SVIP). Mag-PM sa pahina ng liga sa Facebook kung nais mong bumili ng pre-sale. Pwede ka rin kumuha in-store sa Baraks (Waze/Google Map: Baraks, Mandaluyong). Pinopost din nila sa Facebook ang lahat ng mga opisyal na resellers kaya I-follow mo na kung sakaling ‘di ka pa naka-follow. 

Kung gusto mo naman ng walk-in, eto ang mga presyo: 1500 pesos (GenAd), 2000 pesos (VIP), at 2400 pesos (SVIP) sa bawat araw. Ang isang ticket ay may kasamang isang libreng FlipTop Beer. Kuha na kayo at magkita-kita tayo sa Abril 25 at 26 para sa makasaysayan na Second Sight 15! Mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT