Malapit-lapit na ang Second Sight 15. Pagusapan muna natin ang lineup ng day 1!

Pangalawang battle event palang ng FlipTop ngayong taon pero grabe na agad! Ito ang ika-15 na kabanata ng Second Sight at ito ay gaganapin sa Abril 25 at 26, 2026. Ang venue ay sa The Filinvest Tent sa Alabang. Maliban sa pagiging two-day event, maraming nagsasabi na mala Ahon ito dahil sa napaka tinding lineup!
Dito natin masasaksihan ang lahat ng first-round na laban para sa Isabuhay 2026 at talagang kaabang-abang rin ang mga non-tournament na bakbakan.May ilang linggo pa bago ang paligsahan kaya habang naghihintay, pagusapan muna natin ang mga duelo. Sa day one muna tayo!
Shernan/Hazky vs CripLi/Towpher
Ang pagbabalik ng Dos Por Dos! Ahon 15 pa yung huling 2-on-2 battle sa FlipTop at nagwagi dun sila CripLi at Towpher. Grabe yung chemistry nila at laging creative at epektibo yung binibitawan nilang mga anggulo at linya. Hindi man nagkampi sila Shernan at Hazky sa battle, walang duda na malikhain din lagi ang materyal nila at litaw ang malakas nilang presensya. Mukhang makakakita tayong ng sobrang dikdikan na laban!
Vitrum vs Zend Luke
Mukhang bakbakan din ‘to! Malupit sila sa kani-kanilang stilo pero ilang beses nang napatunayan nila Vitrum at Zend Luke na kaya din nilang mag-eksperimento sa mga bara at manatiling mapaminsala pa rin. Malaki ang posibilidad na palitan ng teknikalan, jokes, at mabibigat na mga bara ang mapapanood natin at kung well-rounded ang ipapakita nila, magiging unpredictable ‘to!
Jonas vs Empithri
Kaabang-abang na matchup! Alam na natin na si Jonas ang isa sa pinaka malakas na komedyante ngayon, pero maliban diyan, pinakita niya sa mga huling battle niya na banta din ang kanyang purong LYRICISM! Bagama’t mas teknikal naman ang atake ni Empithri, kaya din niyang maging well-rounded at malaki ang improvement ng kanyang materyal. Kung A-game parehas, pwedeng kandidato ‘to para sa battle of the night.
Sak Maestro vs Shaboy
Ito ay style clash para sa Isabuhay 2026 Tournament! Mas sa teknikal na linyahan nakasentro si Sak Maestro habang sa jokes naman si Shaboy. Maraming natatanggap na kritisismo si Sak tungkol sa kanyang performance, kaya sana ay preparado siya dito. Alam na natin kung ga’no kahusay ang handa na Sak. May ilan na nagsasabing yari dito si Shaboy, pero wag niyo na siya mamaliitin. Kung nakasubaybay ka sa liga, maraming beses na niya pinatahimik ang mga kritiko. Unpredictable na battle na sana ay dikdikan ‘to!
Sur Henyo vs Saint Ice
Matindi ‘to! Sila Sur Henyo at Saint Ice ay nakilala sa kanilang mabibigat na linyahan at solidong tugmaan. Pagdating naman sa presensya, parehas din silang sobrang lakas dito, kaya malaki ang tsansa na magiging hanep yung battle na ‘to. Palitan ng malulupit na well-rounded na mga berso at agresyon at posibleng may isingit din na mga freestyle na haymaker.
Harlem vs Manda Baliw
Isabuhay 2026 matchup ulit! Unang nakilala si Manda Baliw sa kanyang patok na komedya pero di nagtagal ay nakasabay din siya sa seryosohang letrahan. Lagi ring litaw ang kumpyansa niya sa pagtanghal kaya kaabang-abang ang ipapakita niya dito. Beterano na si Harlem sa torneo at kada lumalaban siya ay may pinapakita siyang bago. Syempre, nandiyan din lagi ang mahusay na well-rounded na sulatan niya pati ang kanyang solidong presensya. Sana handa parehas dahil tingin namin ay magiging dikdikdan ‘to!
Kregga vs SlockOne
Mabangis na matchup ‘to para sa Isabuhay 2026! Si Kregga ay laging may baon na matalas na lirisismo at malawak na bokabularyo habang si SlockOne naman ay kayang kaya balansehin ang patok na jokes at malulupit na wordplays at metapora. Kung usapang delivery, mas kalmado si Kregga at agresibo naman si SlockOne, pero parehas may kumpyansa kaya madalas nag-iiwan ng marka ang performance nila. Posibleng maging dikit ‘to na laban!
G-Clown vs Yuniko
2024 pa yung huling battle ni G-Clown kaya exciting makita ulit siya sa entablado. Maliban sa mabagsik na flow, matalas na delivery, at mabibigat na punchlines, talagang epektibo din ang kanyang jokes at mga metapora. Si Yuniko naman ay naging aktibo ulit sa FlipTop pagtapos ng matagal tagal na pahinga at lalo pa siyang nag-improve. Nandiyan ang kombinasyon niya ng creative na jokes, kakaibang mga anggulo, at mabisang teknikalan. Parehas pa silang todo sa kumpyansa at dahil para sa Isabuhay 2026 din ‘to, asahan niyong totodo sila dito.
READ ALSO: Why Second Sight 10 is Historic
Eto ang presyo ng pre-sale tickets sa isang araw: 1000 pesos (GenAd), 1300 pesos (VIP), at 1700 pesos (SVIP). Kung gusto mo naman pumunta ng dalawang araw, 1600 pesos (GenAd), 2200 pesos (VIP), at 3000 pesos (SVIP). Pwedeng mag-PM sa pahina ng liga sa Facebook para bumili ng pre-sale. Pinopost din nila diyan ang mga opisyal na resellers kaya I-follow mo na kung hindi ka pa naka-follow. Para naman sa walk-in, 1500 pesos (GenAd), 2000 pesos (VIP), at 2400 pesos (SVIP) sa bawat araw. May kasamang isang libreng FlipTop Beer ang isang ticket. Sulit, ‘di ba? Sa mga nakabili na, magkita nalang tayo sa Abril 25-26 at sama-sama tayong maging parte ng kasaysayan! FlipTop, mag-ingay!