Nagtanong kami sa ilang battle rap fans kung ano para sakanila yung mga battles ngayong taon na hindi ga’no pumatok pero karapat-dapat mapanood ng lahat.
Lagpas sa kalahati na tayo ng 2025 at ang dami nang mga kandidato para sa battle of the year! Syempre, dahil sa dami ng malulupit na laban, merong ilan na hindi gaanong napansin ng mga tao. Nagtanong kami sa pitong solidong fans ng liga kung ano ang tingin nilang pinaka underrated na battle ng taon sa ngayon.
Sinigurado namin na walang mauulit na sagot upang mabigyan ng tsansa ang iba pang mga duelo. Tandaan na opinyon lang nila ‘to. Kung iba ang tingin mong pinaka underrated ng 2025 sa ngayon, ilagay mo lang sa comments section. Huwag na natin patagalin pa. Magsimula na tayo!
Fan 1: Plazma vs Emar Industriya
Bakit wala pang 1 million views ‘to? Ang lakas nito ah! Tumodo sila Plazma at Emar Industriya sa kani-kanilang stilo habang nagbibigay ng bagong atake. Unpredictable ‘to hanggang sa ikatlong round at kung sakaling yung kabila ang nanalo ay ayos lang. Kalidad na lirisismo na may tamang timpla ng komedya ang pinakita nila dito at para sa’kin ay sobrang epektibo!
Fan 2: Karisma vs Class G
Hanep na tugmaan, masasakit na anggulo, at nakakasindak na presensya ang pinamalas dito nila Karisma at Class G. Ramdam mo yung hapdi ng bawat linya at kung nanood ka live, saan mang sulok ay klarong klaro ang pagbigkas nila ng mga kataga. Tingin ko ay mas lalakas pa sila sa mga susunod na battle.
Fan 3: Carlito vs Article Clipted
Ito ang battle of the night sa Second Sight 14 para sa’kin kaya nakakapagtaka na hindi ganun kadami ang views kumpara sa ibang mga first round Isabuhay matchups. Grabeng horrorcore at teknikalan ang pinamalas nila Carlito at Article Clipted at nakakamangha din ang kanilang tugmaan. Akala ko nung una ay magiging one-sided ‘to kaya laking tuwa ko nung naging sobrang dikdikan. Ito yung sinasabi ni Anygma na panalo tayong lahat.
Fan 4: Fernie vs Jamy Sykes
Matindi ang bagong henerasyon ng FlipTop at itong laban ang isa sa patunay. Solidong style clash itong Fernie vs Jamy Sykes. Malupit na wordplay at multi ang dala ni Fernie habang mabangis na teknikalan at flow naman kay Jamy Sykes. Ang naging resulta ay isang dikdikan na duelo na sana ay mas marami pang makapansin. Aabangan ko ang susunod na galaw nila!
Fan 5: Caspher vs CRhyme
Grabe ‘to live pero ba’t kaya di ganun kataas ang views? Pinakita dito nila Caspher at CRhyme ang tamang pagbalanse ng jokes at mabibigat na bara, epektibong presensya sa entablado, pati creativity sa mga anggulo. Isa ito sa pinaka tumatak na battle sa Zoning 18. Mapapasabi ka talaga dito ng “wow, ang gagaling pala ng mga bago!”Huwag tulugan ang mga ‘to!
Fan 6: BLZR vs Antonym
Kakaupload lang nito pero nakakapagtaka na hindi ga’nong napagusapan sa socmed. Kahit sa live ay hindi ganun kalakas ang reaksyon ng crowd. Ganunpaman, isang perkpektong halimbawa ng purong lirikalan itong BLZR vs Antonym. Kakaibang teknikalan ang pinakita nila at ang dami ring mga bagong konsepto na pinamalas. Sa mga gusto diyan ng “palaliman”, hindi kayo mabibigo dito!
Fan 7: Ruffian vs JDee
Oo, kandidato talaga ito para sa battle of the year, pero alam niyo ba na hindi pa umaabot sa milyon ang views nito? Halimaw na sulat pati freetyle, solidong mga reference, at umaatikabong crowd reaction ang hinatid ng Ruffian vs JDee. Iba’t ibang elemento ng battle rap ang nandito at ang resulta ay isang makasaysayan na dikdikan. Hanggang ngayon, tingin ko ay battle of the year pa rin ‘to.
READ ALSO: 2025 Battle of the Year Sa Ngayon (Mula sa Fans)
Kung hindi mo pa napapanood ang mga’to, pwes, simulan mo na. Pangako namin na hindi ka magsisisi. Abangan din syempre ang mga susunod pa nilang laban sa FlipTop at iba pang mga proyekto. Para naman sa susunod na event, sundan nalang itong website pati ang opisyal na pahina ng liga sa Facebook para maging updated. Mag-ingay!