Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Zoning 21

Ayos itong lineup ng Zoning 21, noh? Ating I-rebyu ang mga laban!

Anonymous Staff
October 15, 2025


Pagkatapos ng napakalupit na Zoning 18 at 19 ay magkakaroon agad ng panibagong kabanata. Dalawang araw ulit ang paparating na paligsahan pero ang pinagkaiba nito ay magkasunod na araw ito magaganap. Oo, parang Ahon style kumbaga! Oktubre 24 at 25 ang petsa at sa Matchpoint Sports Bar & Events sa Shaw Boulevard ang venue. 

Napagusapan na natin yung 20, kaya ngayon, atin namang talakayin ang malupit na lineup ng Zoning 21. May sampung laban dito at kahit walang tournament battle, hindi niyo pa rin ‘to dapat palampasin. Magsimula na tayo!

Zend Luke vs Yuniko
Deserve nila kung ito nga ang main event ng gabi. Parehas may malakas na stilo at lagi tayong makakaasa ng todong performance mula sa kanila. Masasabing style clash ito kahit parehas teknikal dahil si Yuniko ay mas rekta sa mga bara habang si Zend Luke naman ay mas unorthodox. Halos pantay lang sila pagdating naman sa delivery kaya tingin namin ay magiging sobrang dikdikan ang laban na ‘to! Ang sigurado ay uulan ng mga matitinding punchlines at imagery.

Plazma vs Plaridhel
Nakilala si Plazma sa kanyang horrorcore na banatan habang sa wordplay at metaphors naman si Plaridhel. Ganunpaman, ilang beses na nilang pinatunayan na kaya din nilang maging well-rounded sa mga laban. Palakas pa nang palakas ang kanilang delivery at presensya kaya mukhang matinding bakbakan din ‘to basta walang magchochoke at parehas magpapamalas ng mga panibagong konsepto. Talo man sila sa huling mga duelo nila, marami pa rin bumilib sa pinakita nila at tiyak na mas gagalingan nila dito.

? vs ?
Hindi rin naming alam kung sino yung mga ‘to. Pasensya na! Nood nalang kayo live para malaman niyo.

Jawz vs Dave Denver
Parehas mabangis sa teknikalan pero napakahusay din sa pagbalanse ng iba’t ibang stilo ng battle rap. Nandiyan din ang kanilang hanep na rhyme schemes pati ang litaw na litaw na kumpyansa sa pag-rap. Galing sa panalo sila Jawz at Dave Denver at ibang klase pa yung pinakita nila! Ngayong Zoning 21, asahan niyong mas hihigitan pa nila ‘to. Masasabing sila ang dalawa sa pinaka underrated sa bagong henerasyon ng liga kaya sana mas marami pang makaunawa sa kanila dito.

Caspher vs Sensei
Ito ay salpukan ng dalawang napaka creative na emcees. Well-rounded sila Caspher at Sensei at madalas ay bago sa pandinig ang mga konsepto nila. Isama mo pa ang mabangis nilang tugmaan pati malinis na delivery at makakakuha ka ng isang entertaining na laban. Kung parehas naka A-game, wag na kayong magulat kung maging battle of the night ‘to. Galing sila sa panalo tapos nag-kampeon pa si Caspher sa Kumpadre Tournament ng Pulo. Siguradong ganado sila sa Zoning 21!

Pamoso vs BLZR
Digmaan ng kalidad na lirisismo ‘to! Ito ay patalasan ng bokabularyo at palaliman ng mga metapora. Creative din sila Pamoso at BLZR sa pagbuo ng mga anggulo pati sa paraan ng tugmaan. Pagdating naman sa delivery at presensya, makakaasa kayo na polido ang ipapakita nila. Kung walang magchochoke sa kanila, posibleng ito yung mga laban na magiging sobrang dikit mula una hanggang sa huling round. Maraming natuwa sa mga huling pinamalas nila kaya garantisadong mas totodo pa sila dito.

Aubrey vs Karisma
Mukhang grabehan ‘to! Mahusay sa brutal na punchlines sila Aubrey at Karisma at ramdam mo lagi yung agresyon sa kanilang delivery. Parehas pa silang nag-iwan ng marka sa huling battles nila kaya garantisadong mas ganado sila ngayon. Maaaring sabihin na lamang nang konti si Karisma dahil sa experience pero kita naman natin yung mala beteranong performance ni Aubrey nung nakaraan. Kapag parehas silang handa, makakakita tayo ng dikdikan na bakbakan! Exciting ‘to!

Sickreto vs Caytriyu
Kaabang-abang ‘tong battle nila Sickreto at Caytriyu. Parehas mabangis tumugma at sobrang creative sa mga anggulo at references. Maliban diyan, laging klaro ang pag-deliver nila at kayang kaya nilang mag-balanse ng content. Hindi na kami mabibigla kung maging kanidato din ito para sa battle of the night. Solido naman yung mga pinakita nila dati pero tingin namin na dito talaga sila totodo. Kung purong lirisismo ang hanap mo, wag mo ‘tong palampasin!

Atoms vs Class G
Galing sa talo parehas pero hindi pa rin mapagkakaila ang kanilang husay sa lirisismo at performance. Siguradong gusto nilang bumawi sa Zoning 21 kaya asahan niyo na mas lalakasan nila dito. Parehas silang malupit sa well-rounded na materyal pati sa delivery. Lamang nang konti si Atoms sa flow habang sa style breakdown naman si Class G. Kung polido ang kanilang pen game pati presensya, siguradong bakbakan ang masasakishan natin sa battle nila.

Bagsik vs Cygnus
Ang Dos Por Dos2 Champion na si Cygnus laban sa nagbabalik na si Bagsik. Parehong batikan sa paghalo ng teknikal, katatawanan, at rektahan at palaging may kumpyansa sa entablado. Llamado siguro si Cygnus sa flow at anggulo tapos sa personals at rhyme schemes naman si Bagsik. Talo sila sa nakaraang battles nila kaya tiyak na ipapakita nila ang kanilang A-game dito bilang pambawi. Mukhang dikdikan ‘to at kung ito nga ang unang laban ng gabi, exciting agad ang Zoning 21.

READ ALSO: Zoning 18 and 19: A Historic Event

Eto ang presyo ng tickets: 750 pesos para sa pre-sale at 1000 pesos para sa walk-in. Parehas may kasamang isang libreng FlipTop Beer pati food stub na 100 pesos off. Ayos, ‘diba? Mag-PM lang sa pahina ng liga sa Facebook para bumili ng pre-sale. Makikita rin diyan ang impormasyon tungkol sa mga opisyal na ticket resellers. 8PM nga pala magsisimula ang programa. Tara na! Sa mga siguradong pupunta, kitakits nalang tayo sa Oktubre 25 at sama-sama tayong maging parte ng kasaysayan.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT