Zoning 18 ang susunod na FlipTop event. I-rebyu natin ang mga laban!
Inanunsyo ni Anygma nung Second Sight 14 ang tatlong susunod na event ng FlipTop. Ang pinaka una ay ang Zoning 18. Ito ay gaganapin sa ika-24 ng Mayo 2025 sa Takeover Lounge sa Katipunan. Walang laban para sa Isabuhay pero kung hardcore battle rap fan ka, alam mong kaabang-abang pa rin yung ganitong lineup. Paalala lang na hindi ganun kalaki ang venue kumpara sa mga nakaraang events ng liga kaya kumuha na kayo ng tickets bago magkaubusan.
Tanungin niyo sa mga fans na nakaranas nito at siguradong sasabihin nila na kakaibang experience ang small room battles. Mas dama mo ang bawat linya pati yung enerhiya ng emcees. Habang hinihintay natin ang paligsahan, halina’t I-rebyu muna natin ang pitong battles na magaganap. Nandito ang ilan sa mga pinaka underrated sa liga pati mga bagong sibol na hindi niyo dapat maliitin. Simulan na natin…
Ruffian vs JDee
Kung ito nga ang main event, pwes, deserving talaga yung dalawang emcees. Matagal tagal din nagpahinga si JDee kaya astig na muli siyang babalik sa Zoning 18. Dahil hindi siya pinalad sa huling laban niya, asahan niyong gagawin niya ang lahat para makabawi dito. Nananatiling nakakasindak ang kanyang delivery at walang duda na laging epektibo ang balanseng stilo ng mga bara niya. Galing naman sa panalo si Ruffian at malamang ay mas ganado siya ngayon. Malakas lagi ang presensya niya at hindi mapagkakaila na sa kasalukuyan ay isa siya sa pinakamalupit sa teknikalan. Kung parehas handa, bakbakan ‘to!
Negho Gy vs Hespero
Kaabang-abang tong duelo nila Negho Gy at Hespero dahil maliban sa mabangis na rhyme schemes ay parehas din silang mahusay sa wordplays pati sa pagiging well-rounded. Nagpakitang-gilas sila nung nakaraang Dos Por Dos at ngayong babalik sila sa 1-on-1, siguradong hihigitan nila ang nakaraan nilang performances. Mahilig din mag eksperimento ang dalawa kaya posibleng may mga ipakita silang bagong konsepto dito. Tingin namin magiging dikdikan ‘tong matchup!
Caspher vs CRhyme
Ito ang pagbabalik ni Caspher sa 1-on-1 pagkatapos ng makasaysayang performance niya kasama si Hespero sa 2024 Dos Por Dos. Matalas pa rin ang kanyang delivery at walang kupas ang kanyang jokes at teknikal na mga linya. Galing sa panalo si CRhme kaya malamang ay mas lulupitan pa niya dito. Gaya ng kalaban niya, laging epektibo ang mga dala niyang katatawanan at pang basagan ng bungo. Halos pantay naman sila pagdating sa mababagsik na tugmaan. Exciting ang palitang ‘to.
Pamoso vs Caytriyu
Galing din sa 2024 Dos Por Dos si Pamoso at ngayong nasa 1-on-1 siya ulit, kaabang-abang ang gagawin niya. Laging solido ang multis niya pero maliban diyan, mabagsik ang mga binabato niyang wordplay at metaphors. Matindi rin sa teknikalan si Caytriyu at sobrang creative niya pagdating sa pagbuo ng mga anggulo. Parehas pa silang nakakasiksik ng mga bentang komedya kaya malaki ang tsansang maging battle of the night ito lalo kapag parehas pang naka A-game.
Fernie vs Jamy Sykes
Mukhang makasaysayan na style clash ‘to! Si Fernie ay bihasa sa multis at rektahang mga bara habang mapaglarong flow at unorthodox na linyahan naman ang armas ni Jamy Sykes. Parehas may kumpyansa sa pagtanghal at creative sa mga anggulo. Unang beses sasampa ng dalawa sa “main stage” kaya siguradong totodo sila dito. Kung walang magpapabaya sa kanila, asahan niyong tatatak ‘tong battle na ‘to pati sa online.
Marichu vs Blizzard
Posibleng matinding style clash din ito. Mas agresibo at rektahan ang stilo ni Marichu habang komedya at kakaibang mga konsepto naman ang pinapamalas ni Blizzard. Unang beses sasalang ni Blizzard sa “main stage” at pangatlo naman ni Marichu pagkatapos ng mabangis na performance sa 2024 Dos Por Dos kasama si Aubrey. Parehas ganadong manalo at laging litaw ang kumpyansa kaya makakaasa kayo ng dikdikan na engkwentro. Sana!
Nathan vs Philos
Panalo sila Nathan at Philos sa huli nilang mga laban at dahil diyan ay malamang hangarin nilang higitan pa ang kanilang mga performance. Ayos na matchup ‘to dahil parehas epektibo ang agresyon at laging malupit pagdating sa brutal na mga linya’t konsepto. Kayang kaya din nilang magpamalas ng mga patok na jokes at mga kalidad na wordplay. Matagal tagal na din silang walang laban sa liga at ngayong nagbabalik sila, tiyak na mas lulupitan nila ang kanilang materyal.
500 pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 850 naman ang walk-in. Para sa pre-sale, ang tanging paraan lang dito ay mag-PM sa opisyal na pahina ng liga sa Facebook o pumunta sa Barakas sa Mandaluyong City (Waze/Google Map: Baraks). Wala po tayong mga resellers. Tandaan na LIMITADO lang ang ibebenta. Payo namin ay bumili na kayo ngayon palang. May kasama nga palang isang beer ang isang ticket. Sulit, ‘di ba? Sa mga nakakuha na, magkita-kita nalang tayo sa Zoning 18! Makasaysayan ‘to!