Sa Hulyo 19 na ang Unibersikulo 13. Pagusapan natin ang lineup!
Nandito na ang susunod na FlipTop event sa Metro Manila. Sa ika-19 ng Hulyo 2025 ay gaganapin ang Unibersikulo 13. Ang venue ay sa Metrotent Convention Center sa Pasig ulit at meron ditong walong laban. Dito ay masasaksihan natin ang huling tatlong battles para sa quarterfinals ng Isabuhay Tournament. Syempre, hindi rin dapat palagpasin ang non-tournament matchups!
Habang naghihintay tayo, halina’t pagusapan muna natin ang matinding lineup. Wag rin mahiyang ipamahagi ang inyong mga prediksyon sa comments section. Hindi natin papahabain pa. Simulan na natin sa main event…
Zaito vs Manda Baliw
Ito ang kaabang-abang na laban ng dalawang batikan pagdating sa stilong komedya. Eto ang pagbabalik ni Zaito pagkatapos ng dalawang taon kaya marami ang excited mapanood siya ulit. Bagama’t nakilala siya sa creative na jokes, ibang klase rin si Zaito kapag bumabanat ng “balagtasan” bars. Sana talagang tumodo siya dito lalo’t mataas ang ekspektasyon ng mga tao.
Pag usapang pinakamahusay sa komedya sa kasalukuyang panahon, si Manda Baliw ang isa sa unang nababanggit. Na-call out na niya si Zaito sa dati niyang laban at ngayong mangyayari na, asahan niyong hihigitan niya ang nakaraang performances niya. Gaya ng kanyang katunggali, maliban sa pagpapatawa, kaya rin niyang sumabay sa seryosohang bara. Dikdikan ‘to kung walang magpapabaya!
Lhipkram vs K-Ram
Dito na tayo sa mga laban para sa quarterfinals ng Isabuhay 2025. Oo, magtropa sila Lhipkram at K-Ram pero pagdating sa battle rap, wala munang kaibi-kaibigan. Nananatiling epektibo ang style mocking ni Lhipkram pero hindi rin mapagkakaila na lumakas din lalo ang kanyang rhyme schemes at teknikalan. Lagi pa siyang may kumpyansa at ngayong next round na ng torneo, siguradong mas lulupitan pa niya.
Ibang lebel din ang style mocking ni K-Ram at laging creative ang kanyang mga anggulo at reference. Medyo naging sakit nga lang niya ang pag-choke nung nakaraan pero pag A-game siya, isa siyang lehitimong banta. Sana ay isang daang porsyento siya dito pati si Lhipkram dahil may potensyal ‘to maging kandidatio para sa battle of the year.
Carlito vs Katana
Sunod na Isabuhay quarterfinals battle ay salpukan ng dalawa sa pinaka creative sa eksena ngayon. Nung nakaraang taon lang sumalang si Katana sa liga pero grabe na agad yung mga pinakita niya. Kakaiba ang kanyang komedya at kayang kaya din niyang sumabay sa teknikalan at rektahan. Epektibo din yung kalmadong pag-deliver niya. Kaabang-abang ang kanyang mga gagawin.
Maliban sa malawak na bokabularyo at brutal na mga linya, walang duda na matindi din ang mga metapora pati jokes ni Carlito. Isama mo pa yung nakakasindak na delivery at presensya niya! Unpredictable ang materyal ng dalawa kaya wag na magulat kung maging makasayayang na laban ‘to sa live pati online.
Zaki vs Saint Ice
Isabuhay 2025 matchup ulit! Kontrobersyal man ang pagkapanalo nilang dalawa sa unang round, hindi mapagkakaila na nananatiling solido ang kanilang pen game. Walang duda na mabangis ang tugmaan pati wordplay ni Zaki pero maliban sa mga yan ay grabe din siyang umanggulo at isa siya sa may pinaka maangas na delivery sa battle rap. Kung hindi siya magpapabaya, makakaaasa kayo ng all-timer na performance.
Sobrang epektibo ng teknikal na sulatan ni Saint Ice tapos nahahalo pa niya ito ng patok na jokes. Talagang kitang kita ang improvement niya mula sa unang salang niya nung 2011. Mas kalmado man siya bumitaw, hindi pa rin nawawala ang kamandag ng bawat bara. Mukhang todo dikdikan ‘to at dahil parehas fans ng UFC, siguradong maraming references tungkol dito!
Poison13 vs Batang Rebelde
Ito ang palitan ng dalawa sa pinaka underrated na emcees sa larangan ng battle rap. Halos magkaparehas sila Poison13 at Batang Rebelde pagdating sa sulatan. Sila yung bihasa sa solidong teknikalan pero pumapalag din sa rektahan pati sa katatawanan. Mas agresibo ang delivery ni Poison13 habang mas kalmado naman kay Batang Rebelde pero parehas lang sobrang epektibo. Kung walang magpapabaya, posibleng mayanig ang buong venue sa salpukang ‘to.
JDee vs Yuniko
Siguro unang sasabihin niyo ay palakasan ‘to ng sigaw pero maliban sa malakas na delivery nila, malupit din talaga ang materyal nila JDee at Yuniko. Parehas man silang galing sa pagkatalo, nakuha pa rin nila ang respeto ng fans dahil sa hanep na performances nila. Sa Unibersikulo 13, asahan niyong lalakasan pa nila. Nababalanse nila ang patok na komedya pati yung mga linyang pang wasakan at litaw lagi ang kanilang kumpyansa. Nandyan pa ang pambihira nilang freestyle ability. Matindi ‘to!
Sirdeo vs Shaboy
Ito naman ang laban ng dalawa sa pinaka kontrobersyal na emcees ngayon sa FlipTop. Kung napanood niyo yung Ahon 13, alam niyo na yun. Ang saklap! Ganunpaman, bilang emcee, hindi niyo dapat tinutulugan ang mga ‘to. Litaw ang creativity ng kanilang jokes at antics at nananatiling matalas ang delivery nila. Nakakapalag din sila kung kailangan magseryoso sa sulat. Bigyan niyo sila ng pagkakataon ipakita ang husay nila. Kung ulitin nila yung nangyari sa Ahon 13, sige, bugbugin na mga yan!
Negho Gy vs CRhyme
Magtatapat ang dalawa sa malulupit ng bagong henerasyon! Walang duda na matalas ang pen game nila Negho Gy at CRhyme. Komedya, rektahan, teknikalan, o kombinasyon ng lahat, laging epektibo ang kanilang materyal. Maaaring mas lamang si Negho Gy sa wordplays habang sa jokes naman si CRhyme pero dahil mahilig silang mag-eksperimento, siguradong may mga ipapakita silang bago. Kung ito ang unang laban ng event, tiyak mayayanig agad ang Metrotent.
READ ALSO: Kumusta ang Unang Round ng Isabuhay 2025? (Mula Sa Fans)
Eto ang mga presyo ng pre-sale tickets: 1500 pesos (SVIP), 1100 pesos (VIP), at 850 pesos (GenAd). Para naman sa walk-in, 2000 ang SVIP, 1600 ang VIP, at 1350 ang GenAd. Bawat isa ay mga kasamang isang libreng FlipTop Beer. Sulit na sulit, ‘di ba? Mag-PM sa Facebook page ng liga para bumili ng pre-sale. Magpopost din sila ng iba pang mga opisyal na sellers. Abangan niyo nalang.
3PM ay magpapapasok na sa venue tapos 5PM magsisimula ang programa. Pa’no? Magkita-kita nalang tayo sa Hulyo 19 para sa Unibersikulo 13. Masaya ‘to! Huwag kalimutan yayain ang mga tropa at pamilya na mahilig din sa battle rap. FlipTop, mag-ingay!