Malapit lapit na rin ang Zoning 19. Tara at I-rebyu natin ang lineup.
Isang linggo pagkatapos ng Zoning 18 ay magkakaroon ulit ng event ang liga! Ito ang Zoning 19 at sa Takeover Lounge sa Katipunan din ang venue. Gaya ng 18, walang laban dito para sa Isabuhay Tournament, pero kung lehitimong battle rap fan ka, hindi mo pa rin dapat palagpasin itong lineup. Pitong battle ang magaganap at magpapakitang-gilas ang isang beterano pati ang mga bagong henerasyon ng FlipTop emcees. May dalawang kampeon pa na sasalang!
Espesyal din ‘tong Zoning dahil babalik ang liga sa small room na setup. Sa mga nakapunta na sa ganitong klaseng event, alam niyo na kung ga’no katinding experience ‘to. Sa mga hindi pa, pangako namin na hindi mo ito malilimutan. Habang hinihintay natin ang ika-31 ng Mayo, pagusapan muna natin ang bawat salpukan…
CNine vs Cygnus
Ang pagbabalik ng underrated na si CNine at muling pagsalang ng 2024 Dos Por Dos Champion na si Cygnus. Parehas silang solido sa pagbalanse ng patok na komedya at epektibong pang wasakan at laging litaw na litaw ang kanilang kumpyansa. Maaaring lamang nang konti si CNine sa rebuttal habang sa flow naman si Cygnus. Ganunpaman, kung parehas silang preparado, magiging sobrang unpredictable na bakbakan ‘to! Goodluck sa mga hurado!
Atoms vs Sickreto
Mukhang purong lirikalan at rap ability itong laban ng 2024 Dos Por Dos Champ na si Cygnus at ang isa sa malupit ngayon sa Mindanao Division na si Sickreto! Kaya nilang sumabay sa teknikalan at komedya at parehas may matalas na delivery. Posibleng llamado si Atoms sa flow at sa wordplay naman si Sickreto. Expect the unexpected sa mga ganitong klaseng laban. Baka maging battle of the night pa ‘to.
Bisente vs Shaboy
Hindi makukumpleto ang isang FlipTop event kung walang matinding style clash! Ito ay salpukan ng agresibo at teknikal na si Bisente at ang marahas na komedyante na si Shaboy. Kahit may kanya-kanya silang stilo ay kaya nilang mag-eksperimento sa sulat at mga anggulo. Dahil diyan, asahan niyong marami silang ipapakitang bago dito. Posibleng maging dikdikan ‘to lalo kung walang magpapabaya sa kanila. Kaabang-abang ang mga ipapamalas nila.
BLZR vs Antonym
Interesting na matchup ‘tong BLZR vs Antonym at kung parehas totodo ay baka maging kandidato pa para sa battle of the night! Parehas matalas ang bokabularyo nila at creative ang pagbuo nila ng mga anggulo. Siguro lamang nang konti si BLZR sa rektahang mga bara habang sa palaliman naman nananaig si Antonym pero gaya ng ibang purong lirikalan, expect the unexpected! Epektibo din ang kanilang delivery, kaya makakaasa kayo ng malinis na performance.
Jawz vs Lord Manuel
Mukhang matindi ‘to! Medyo magkaiba sila pagdating sa materyal pero parehas todo agresibo sa pagtanghal. Si Jawz yung mas teknikal sa sulat habang si Lord Manuel naman yung mas direkta ang linyahan. Ang maganda dito ay hindi basta-basta sila nagpapadaig lalo na sa pasakitan ng mga lnya, seryoso man o katatawanan. Asahan niyong hihigitan nila ang nakaraan nilang performances at wag na kayong magulat kung maging makasaysayan ‘tong duelo na ‘to.
Andros vs Sensei
Unang salang ‘to ni Sensei sa main stage ng liga habang pangalawa naman ni Andros. Exciting ‘to dahil parehas sobrang creative hindi lang sa jokes kundi pati sa patindihan ng pen game. Hindi rin maitatanggi na malakas ang kanilang rhyme schemes at laging may kumpyansa kapag tumatapak sa entablado. Posible na ito ang maging isa sa pinaka dikit na laban ng gabi kung A-game ang ipapakita nila. Abangan niyo ‘to!
Dave Denver vs Supremo
Ito nga ba ang unang laban ng Zoning 19? Kung oo, pwes, mukhang magandang panimula ‘to! Sila Dave Denver at Supremo ay mabangis sa wordplay, metaphors, pati mga rektahang atake na linya at kayang kaya nila balansehin ang katatawanan at seryosohan na materyal. Isama mo pa ang kanilang galing sa tugmaan at malakas na presensya! Pangalawang beses sila sasalang sa main stage kaya siguradong hihigitan pa nila ang nakaraang performance.
Para sa tickets, 500 pesos ang presyo ng pre-sale habang 850 naman sa walk-in. May kasamang isang libreng beer ang isang ticket. Walang resellers ngayon, kaya kung nais mong bumili ng pre-sale, mag-PM sa pahina ng FlipTop sa Facebook o pumunta sa Baraks sa Mandaluyong City. Marami ring merch na mabibili diyan. Dahil limitado lang ang ibebenta, kumuha ka na ngayon na. Kung nakakuha ka na, magkita nalang tayo sa Zoning 19 at maging parte ng kasaysayan!