From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: FlipTop Live Experience

Kwento ng isang fan ng liga tungkol sa FlipTop Live nung Sabado.

Anonymous Battle Fan
November 11, 2025


Nung Sabado (November 8, 2025) ay ginanap yung FlipTop Live sa Metrotent Convention Center. Bago ng gabing ‘to ay meron din dapat sa Cebu kaso naudlot dahil sa Bagyong Tino. Sa mga kapatid natin sa Visayas, sana ayos na kayo ngayon at siguradong babawi ang FlipTop sa inyo. Subukan din nating tulungan sila pati na rin yung nga nasalanta ng Uwan nung isang araw. 

Ayun, bumili agad kami ng ticket nung inanunsyo ang event bilang suporta sa liga at sa Philippine hip-hop. Kasama ko yung dalawang tropa na katulad kong sobrang tagahanga rin ng battle rap. Aminado kami na limitado lang ang aming kaalaman sa musikang hip-hop kaya naisip rin naming pumunta sa FlipTop Live para mas maunawaan ‘to. Pambawi rin namin sa liga dahil di kami nakapunta sa festival nung 2020. Balitan namin ay sobrang lupit daw nun!

Nakapasok kami bandang 6PM at tumutugtog na agad si DJ Nicko ng Uprising. Dito palang ay ang dami na naming narinig ng mga malulupit na kanta mula sa iba’t ibang lokal at banyagang artists. Sana maglabas siya ng playlist ng set niya. Saktong 7PM nagsimula ang programa. Nagbigay ng maikling introduksyon si Anygma at rekta na agad sa tugtugan. Si Mhot ang unang sumalang at bilang solidong fans ng battles niya ay sobrang natripan din namin ang mga kanta niya. Mas kalmado siya magtanghal pero nananatiling matalas ang kanyang mga kataga. Pinerform din niya yung kanta nila ni K-Ram at Ace Cirera at napabilib din kami nito. Underrated si Mhot pagdating sa kanta kaya sana mas marami pang tumangkilik sa kanyang musika. 

Sunod na sumalang ay dalawang alamat na sila Kemikal Ali at DJ Arbie Won. Narinig na namin ang iba nilang kanta pero mas bumilib talaga kami nung napanood namin sila live. Matutuwa ka sa chemistry ng emcee at DJ at syempre, sobrang bagsik ng lirisismo ni Ali pati produksyon ni Arbie. Karapat-dapat lang ang respeto na nakukuha nila mula sa mga baguhan at beterano. Bumanat din si Ali ng mga sikat na berso niya mula sa grupo niyang BB Clan. Kung ‘di ka fan sa simula, magbabago pananaw mo pag napanood mo sila.

Mga kanta ni KJah ang unang kong napakinggan at nagustuhan simula nung nagka FlipTop kaya naman tuwang tuwa ako nung napanood ko na siya sa entablado. Hindi man siya aktibo sa battle rap, pero grabe yung nagawa niya sa mga awitin niya. Ibang klase siya magpa-hype ng crowd. Hindi kami masyado pamilyar sa mga bago niya pero dahil sa kanyang showmanship ay malapit na namin makabisa ang ilang mga linya. Sobrang nagustuhan ko rin yung collab nila ni Tatz Maven pati yung kaskas ni DJ Supreme Fist sa turntables.

Ang sumunod ay walang iba kundi ang hari ng tugma na si Loonie. Siya yung sunod na emcee na talagang humanga ako hindi lang sa battle rap, kundi pati sa kanta pagkatapos kay KJah. Ang saya namin ng mga tropa dahil tinugtog niya sa FlipTop Live yung mga paborito naming kanta niya. Gaya ng mga laban niya, sobrang polido niya magbigkas at grabe yung enerhiya niya sa entablado mula simula hanggang dulo. Kasama niya sa set si DJ Buddah na nagpakitang-gilas sa pag-scratch. Lumitaw din ang grupong Mastermind sa kantang Palaisipan. Sinayaw nila yung mga liriko at talagang napa-wow din kami dun. 

Narinig na namin ang tracks ni Gloc-9 dati pero dahil hindi kami hip-hop nung panahon na yun ay hindi namin masyadong naunawaan. Unang beses namin siya mapanood live nung Sabado at ngayon ay lehitimong fans na kami. Dun namin mas naintindihan mga mensahe niya at tumatak samin ang bawat awitin. Napabilib kami hindi lang ng liriko kundi pati ng presensya ni Gloc. Alam mong beterano na talaga siya sa pagtanghal. Ang husay din ng live setup kasama sila DJ B-Boy at Klumcee. Mas nadama namin ang mga bara dahil sa matinding tunog.

Hindi kami magpapanggap na matagal na kaming fans ni Bambu. Narinig na namin pangalan niya dati pero hanggang dun lang. Marami sa mga kasama namin sa audience ang nag-aabang sa kanya kaya na-excite din kami kung ano gagawin niya. Bagama’t may ilan na hindi naming masyadong naintidihan dahil English, may mga linya na nakuha namin at masasabi namin na sobrang makapangyarihan ang mga ‘to. Marami siyang tinalakay na mga isyu na sobrang napapanahon at dahil sa husay niya sumulat at mag-tanghal ay  damang dama ang mga ‘to. Hanep din yung pinakita ng DJ niya na si Phatrick. Para silang banda sa kanilang palitan ng kalidad na rima at tunog. Pagkatapos ng set ay bumili agad kami ng CDs ni Kuya Bambu para mas lalong maunawaan ang mga konsepto.

Mga 11 o 11:30PM natapos ang programa. Nakapag-piktyur pa kami sa mga performer at nakipag-kwentuhan sa kapwa fans. Nagsimula kami bilang “casual fan” ng Philippine hip-hop pero dahil sa FlipTop Live ay gusto na naming madagdagan pa ang aming kaalaman sa eksena. Salamat sa liga pati syempre sa mga nagtanghal para sa experience na hindi namin malilimutan. Sa mga ‘di nakapunta, kung merong susunod na ganito ay suportahan niyo rin live! Masaya manood ng battles pero sobrang sulit din manood ng kantahang hip-hop. Kita-kits balang araw!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT