General

Bakit Exciting Ang Write Off Way?

Malapit na ang sunod na event ng FlipTop. Basahin kung bakit hindi mo dapat palagpasin ang Write Off Way.

Ned Castro
May 07, 2026


Sa ika-23 at 24 ng Mayo 2026 ay gaganapin ang susunod na event ng FlipTop. May bago nga pala itong pangalan: Write Off Way. Sa Matchpoint Sports Bar & Events sa Shaw ang venue at kung ipagsasama ang dalawang araw ay may labinsiyam na laban na mangyayari dito. Hindi niyo ‘to dapat palagpasin. Bakit? Hayaan niyong ipaliwanag namin sa inyo. Game na?

Una, yung mismong setting ng event ay sulit na kung talagang tagahanga ka ng battle rap. Sa mga hindi pa nararanasan ang small room, itanong niyo sa mga nakaranas na at siguradong irerekomenda nila ‘to. Oo, malayo yung laki sa tipong The Tent, pero may sariling hiwaga ito na inaalay. Dahil mas malapit ka sa entablado, mas klarong maririnig mo ang bawat linya at mas madarama mo yung enerhiya ng mga nagtatangal. Kahit saang sulok ka ay hindi ka mapag-iiwanan. Para ka ring lumakbay sa 2010-2011 kung sa’n pit style kadalasan ang events ng liga.

Sa Write Off Way natin masasaksihan ang quarterfinals ng Langit Lupa Tournament. Kung sa unang round palang ay ang dami nang bumilib, pa’no pa kaya sa susunod? TIyak na hihigitan pa ng walong emcees ang kanilang nakaraang performance, at malaki ang posibilidad na may mga kandidato para sa battle of the year dito. Sino mga tingin niyo hahakbang sa semis? Pagusapan nalang natin yan sa comments section. Para naman sa mga ‘di pa rin updated, panoorin mo yung mga laban sa unang round dito. Pangako hinding hindi kayo mabibigo!

Magpapakitang-gilas din dito ang unang batch ng mga napili sa Process of Illumination 8. Maaaring ilan sa inyo ay hindi pa sila kilala, pero wag niyong mamaliitin ang mga ‘to. May rason kung bakit sila napili para dito. Panoorin niyo yung mga laban nila sa underground na liga. Garantisadong mabibilib ka sa kanila dahil maliban sa mahuhusay sila sa letrahan ay bawat isa sa kanila ay may kakaibang stilo. Ngayong nasa FlipTop na sila, asahan niyong mas titindihan pa nila!

May ilang mga beterano na sasalang sa Write Off Way. Bagama’t hindi sila kasing sikat ng fan favorites, hindi pa rin maitatanggi ang kanilang husay. Maituturing sila na underrated sa liga kaya sana ay mas marami pang makaunawa sa kanila dito sa event. Iba’t ibang elemento ang inaalay nila, kaya kaabang-abang ang kanilang ipapakita. Naisama rin sila dito dahil bagay ang materyal nila sa small room na eksena. Huwag kalimutan yung Ruffian vs JDee nung Zoning 18! 

750 pesos ang presyo ng pre-sale ticket para sa isang araw habang 1350 naman sa dalawa. Para bumili, mag-PM lang sa pahina ng FlipTop sa Facebook o pumunta sa Baraks (Waze/Google Map: Baraks, Mandaluyong). Abangan din ang detalye tungkol sa opisyal na resellers. 1000 pesos naman ang presyo ng walk-in at ito ay para sa isang araw. Ang ticket ay may kasamang isang libreng beer at 100-peso off na food stub. Masarap ang mga pagkain sa Matchpoint! Sa mga nakabili nila, kita-kits tayo sa Mayo 23 at 24 at sama-sama tayong maging parte ng kasaysayan. Write Off Way, mag-ingay! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT