From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Grain Assault 17

Kumusta yung Grain Assault 17? Basahin natin ang kwento nitong fan.

Anonymous Battle Fan
March 24, 2026


Una sa lahat, salamat FlipTop sa pagbigay sakin ng oportunidad makapagsulat para sa website nila. Naging fan ako ng liga nung 2012 at simula nun ay tuloy-tuloy na ang aking pagsuporta. Isa ang battle rap sa nagsilbing inspirasyon ko para mag-aral ng Journalism sa kolehiyo. Ayun, simula nung nagkatrabaho ako ay bihira na ako makaattend ng events dahil sa dami ng ginagawa. Buti nalang at nung Marso 21, 2026 ay bakante ako nung nagyaya ang tropa at kapwa tagahanga ng battle rap na manood ulit live. Ito ay ang Grain Assault 17. Nakakatuwa dahil ang pinakauna kong napuntahan na event ay Grain Assault 4.

Ang venue ay sa Matchpoint sa Shaw. Medyo mahaba yung byahe namin gawa ng trapik pero swerte pa rin dahil pagdating namin ay di pa nagsisimula ang programa. Ang ganda ng venue! Sports bar siya at kahit madaming tao ay hindi mainit at komportable pa rin. Sobrang nostalgic ng setup. Pit style siya kaya naman pakiramdam namin ay parang nasa sa mga unang taon ulit kami ng FlipTop. Kumain muna kami at ang aming masasabi sa menu ng Matchpoint ay wow! Panalo, ha! Sisig rice yung inorder ko at talagang malasa pati yung kanin. Adobo yung kinain ng tatlo kong tropa at sabi nila na napakasarap rin daw. Pag magka event ulit dito siguraduhin niyong dito rin kayo mag foodtrip.

Alam ko yung konsepto ng event. Lahat ng laban ay para sa unang round ng Langit Lupa Tournament. Dito ay maglalaban ang mga kumakatawan ng iba’t ibang underground na liga sa bansa. Aaminin kong hindi ko kilala ang mga nasa lineup pero sobrang lupit pa rin ng konsepto. Sinong hindi ma-eexcite sa bakbakan ng mga bagong usbong na talento? Alam kong magiging hanep na gabi ito dahil bawat isa sa kasali ay pangarap makasalang sa FlipTop at ngayong nangyari na, siguradong ibibigay nila ang lahat!

Kumusta yung Grain Assault 17? SULED! Magegets niyo yung konteksto niyan pag naupload na, pero seryoso, grabe yung battles! Kung paguusapan natin bawat isa baka mahaba na masyado kaya pumili nalang ako ng tatlo. Eto yung mga laban na talagang pinaka nagustuhan naming magtotropa. Hindi ibig sabihin na pangit yung iba, ha? Seryoso na LAHAT ng laban ay matindi pero kung kailangan naming mamili ng tatlo, eto yung mga unang lumabas sa utak namin.

Unang battle ng gabi yung Diddle vs Kulas pero dikdikan na at hiyawan na agad yung crowd! Sunod-sunod ang kanilang haymakers at ang dami nilang panibagong atake sa tugmaan at mga konsepto. Mas sa komedya nakasentro si Kulas habang sa teknikalan naman si Diddle. Sangayon kami sa judging at kaabang-abang yung panalo sa quarterfinals pero wag tutulugan yung natalo dahil garantisadong babawi siya sa susunod na laban.

Kalidad na lirisismo at matalas na presensya ang pinakita samin nila Ivar at Si7ick. Kada round ay meron silang mga panggulat na linyahan at walang bahid ng kaba sa kanilang pagbitaw. Para samin ay karapat-dapat naman yung nanalo pero sobrang dikit mula simula hanggang katapusan. Posibleng ito ang magkaroon ng pinaka madaming views kapag inupload sa YouTube.

Isa pang tingin namin na magiging trending sa socmed ay yung makasaysayang style clash nila Jabo at Boy Sleuth. Mabangis na agresyon at malulupit na wordplay at metapora ang hinain ni Jabo habang sobrang benta na jokes at malikhaing style breakdown naman ang binigay ni Boy Sleuth. Hindi kami sangayon sa naging resulta PERO hindi ibig sabihin na dinaya ito. Deserving pa rin naman yung nanalo at grabe yung pinakita niya pero mas natripan lang namin yung ginawa ng kalaban. Baka mas lalo naming maunawaan yung mga letra nung nanalo pag inupload na ang video. Basta, sobrang entertaining na battle! Eto na ang isa sa pinaka wild na crowd na naranasan ko. 

Ayun, gaya ng sabi ko kanina, maganda ang bawat battle. Sana maunawaan ng mga viewers online. Ibang klase tong mga up-and-comers na ‘to seryoso! Kung tuloy-tuloy ang pagdala nila ng kanilang A-game sa torneo, may pag-asang matapatan o mahigitan nito ang Isabuhay. Goodluck sa mga nakapasok sa quarters at kitakits sa susunod na event. Hanep talaga ang battle rap sa Pinas. Salamat lagi sa FlipTop staff at syempre sa mga emcees pati sa mga underground na liga sa bansa. 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT