Malamang kilala niyo na siya sa battle rap, pero di rin dapat palagpasin ang napapanahon niyang album. Para sa bagong MC Spotlight, eto si Shernan!

Hindi na kailangan na mahabang introduksyon tungkol sa kanyang battle rap career. Siya ang pangalawang most viewed emcee sa buong mundo at bagama’t may ilang mga laban siya na kontrobersyal, walang makakatanggi na laging pinaguusapan ang mga ‘to. Ang posibleng hindi alam ng karamihan, lalo na sa mga hindi hip-hop na nanonood ng liga, ay aktibo rin siya sa musika. Kakalabas lang ng kanyang solo album na karapat-dapat pakinggan ng bawat Pilipino.
Para sa bagong kabanata ng MC Spotlight, mas kilalanin natin ang nag-iisang Shernan. Pa’no siya nagsimula? Ano ang kwento sa pangalan niya? Ano ang inspirasyon para sa bago niyang LP? Ilan lang yan sa mga sasagutin niya. Game na…
1. Kailan ka nag simula mag rap?
2001 ito rin yung unang sali ko ng rap contest sa Ayala Town Center, Alabang.
2. Bakit Shernan ang napili mong pangalan?
Ang unang rap name ko talaga ay Lil Masta at nung nag simula ako mag rap kumalat yung rap name ko kaso may isang magnanakaw na gumamit ng alyas ko at napagkamalan pang ako yun kaya para walang kaparehaa SHERNAN na mismo ginamit ko which is real name ko para kung may magawa man ako mismo yun.
3. Kalalabas lang ng bagong album mo na pinamagatang "Freedom". Ano ang pinaka konsepto nito?
Ang album kong FREEDOM tungkol sya sa mga gusto kong sabihin lalo sa gobyerno natin imbis mag post o mag rant dinaan ko na lang lahat sa kanta, FREEDOM na nasa linya din ng buhay ko, nasa Muntinlupa ako nakatira kung saan nandito din ang Bilibid na alam naman natin kulungan at nasa labas ako nito na double meaning ng FREEDOM, at nung ginawa ko lahat ng kanta sa album na to hindi ko sya sinulat pag upo ko sa studio ko kung ano ang lumabas sa isip ko habang naririnig ang beat nilalapat ko agad. Malaya kong sinabi lahat as in raw.

4. May mga kanta sa album na siguradong kontrobersyal lalo yung isa na kung sa'n nag-iba ang pananaw mo sa politika. Ano ang masasabi mo sa mga taong maaaring ma-trigger dito?
Sabi ko nga sa huling track ng album ko na YOW (Outro), may gawin ka o wala may masasabi sila lahat sayo kaya gawin mo lang kung saan ka malaya at hindi naman ako na buhay sa standard ng ibang tao, kaya may FREEDOM din sila sa gusto nilang sabihin at maramdaman.
5. "Gatas Lang" naman ang pinakabago mong single. Ano ang kwenta sa awiting 'to?
Yeah haha GATAS LANG latest single ko na gatas lang talaga trip ko inumin sinalin ko lang sa kanta at na inspire ako ni Uncle Dags sa ganda ng music nya masya sya at may kalayaan din sya gawin gusto nya, actually marami pa yan monthly may ilalabas akong pambalagbag sa tenga nyo.
UPDATE: Nilabas na rin ang single niya na "Hindi Babaero", "Tuloy Ang Kwento", at "Wag Na". Pakinggan sa kanyang YouTube Channel pati sa streaming sites.

6. Sino ang unang nag-impluwensya sayong tumugma?
Ang una kong rap na ginamit ay sa OG ko sa NSP956 na si Jesus "Black J" Mendoza sya rin ang una kong kagrupo kaso dahil nga mainit sya at maraming kaaway kaylangan nya tumigil at nag patuloy ako , pero kung pag sulat ng kanta ang una kong nadiskubre ay nung nakikinig ako ng Stupid Love ng Salbakuta at binabago ko ang lyrcs hanggang sa na isip ko kung kaya ko baguhin ang lyrcs na nakatugma rin edi kaya ko gumawa ng sarili kong sulat at yun, dun na nag simula.
7. Ano ang iyong top 3 na album (local at foreign)? Nakatulong ba ang mga ito sa pag-gawa mo ng mga kanta?
Kung pwede lang lahat ng album ni Eminem haha isa din talaga sya sa pinapakinggan ko na nung na sali ako ng rap contest puro beat instrumental ng album nya ang gamit ko at umabot ng 100 beses na champion ang nakuha ko kasama kagrupo ko.
8. Sino naman ang iyong top 3 na emcee (local at foreign)? Gaya ng tanong sa 7, may naitulong ba sila sa mga bara mo?
EMINEM, INNOZENT ONE, POOCH. Malaki ang natulong nila sakin gamit musika nila di man kasing galing pero yung inspiration na nabigay nila sakin ang laking bagay.

9. Pa'no mo ipapaliwanag ang stilo mo ng pag-rap at paggawa ng musika?
Istilo ko sa pag rap? Gusto ko lang gawin kung ano gusto ko eh pag natripan ko mag seryoso kaya ko naman pag harmony kaya din kung ano lang talaga maramdaman ng puso at utak ko bale kung saan ako masaya.
10. Usapang battle rap naman, kumusta ang paghahanda mo sa susunod mong laban? Ano maaasahan namin sa'yo?
Yun, Oct 3 na pala Pakusganay 9 haha actually magaan ang pakiramdam ko ngayon halos tapos na round 2 ko sept 14 pa lang pero di ko muna totally tinatapos lahat baka maumay ako eh pero di ibig sabihin na mabilis akong nakakasulat ay bara bara na, nooooo! Sadyang magaan lang ang pakiramdam ko ngayon kaya mga kahit may battle nakakagawa pa ko ng mga kanta na ilalabas ko monthly, pero yu,n akala nila may topic battle namin, walaaaaaa.... battle to grrrrrrrr!

11. Kumusta naman ang PULO? Ano ang mga events niyo na paparating?
All goods pa rin ang PULO ganun pa rin walang ibang misyon kundi mag pasalamat sa hiphop sa nagawa nya sa buhay ko at bilang ganti tumutulong ako sa mga bagong emcee para makamit rin nila ang gusto nila gamit ang rap.
UPDATE: Kakatapos lang nung event nila SIBOL 2. Ginanap ito nung nakaraang Sabao (September 19). Abangan ang uploads!
12. Para sayo, kumusta ang Pinoy Hip-hop ngayon?
Buhay na buhay ang Pinoy hiphop to the point na kaya ng bumuhay ng pamilya haha basta enjoy lang kahit anong letra trip mo may freedom pa rin sa hiphop
13. Sa tingin mo, ano ang mga kailangan baguhin sa eksena ngayon?
Sa eksena ng hiphop? Para sakin wala, kung mag aadjust tayo sa gusto ng iba hindi na hiphop yun taena ayaw natin sa diktador!
14. Ano ang mga maaasahan namin kay Shernan sa mga darating na taon?
Kung pwede lang wag nyo na ko asahan haha di ko kayang tapatan lahat ng magagaling sa battle rap at music pero gagawin ko kung ano ang the best para sakin kung saan ako masaya ma appreciate nyo man o hindi.
15. Ano ang maipapayo sa mga baguhan sa larangan?
Payo lang pwede nyo pakinggan o hindi, kung mag rarap kayo mag rap kayo dahil masaya kayo wag nyo obligahin ang hiphop/rap na pasikatin o payamanin kayo bonus na lang yan dahil unang una hindi ka inutusan ng kulturang to na gawin yan ikaw mismo pumili nyan na ikaw mismo may alam ng dahilan kung bakit mo ginagawa kaya kung mabigo ka o hindi sumikat o walang nangyare sayo wag mo sya sisihin dapat bukod sa pag rarap may trabaho ka may income ka para pag nabigo ka sa art hindi ka mabibigo sa buhay, at kung mayaman ka na mag rap ka dahil masaya ka magastos talaga ang hiphop nasa Pilipinas tayo.

Abangan natin siya sa Pakusganay 9 at syempre, suportahan din natin ang kanyang musika. Para sa manatiling updated sa mga proyekto niya, I-follow lang ang opisyal na pahina niya sa Facebook. Maraming salamat Shernan para sa paglaan ng oras pati na rin sa inyo na nagbasa nito. Mabuhay ang Pinoy hip-hop! Kitakits sa susunod na MC Spotlight.