Gubat 15 na sa June 28, 2025! Tara at pagusapan natin ang mga laban.
Muling babalik ang FlipTop sa Cebu sa ika-28 ng Hunyo 2025 para sa Gubat 15! Ang venue ay sa Mariner’s Court ulit at walong laban ang ating masasaksihan dito. Kaabang-abang yung para sa quartefinals ng Isabuhay 2025 at syempre, grabe rin yung non-tournament matchups. Pagdating naman sa crowd, alam natin na laging matindi yung enerhiya ng Cebu fans!
Dahil pang labinlimang Gubat na ‘to, mukhang makakaasa tayo ng isang makasaysayan na paligsahan. May ilang linggo pa bago ang event, kaya habang tayo’y naghihintay. pagusapan muna natin ang lineup. Simulan natin sa pinaka taas ng poster…
GL vs Emar Industriya
Ibang klase ‘to! Ito yung laban na hindi mo alam na pwedeng dream match pala. Salpukan ng dalawa sa pinaka lirkal na emcee ngayon sa FlipTop. Bagama’t parehas malalim sumulat, magkaiba sila ng atake. Mas rekta yung pagka teknikal ni GL habang mas sa kaliwa naman ang tugmaan ni Emar. Ang maganda dito ay parehas sobrang creative pagdating sa konsepto at laging may kumpyansa sa entablado. Kung totodo silang dalawa, siguradong dikdikan ‘to hanggang huling round.
CripLi vs Ban
Ito yung para sa quarterfinals ng Isabuhay 2025.Kaabang-abang ‘to lalo na’t napaka lupit ng pinakita nila CripLi at Ban nung unang round ng torneo. Sila yung sobrang epektibo at malikhain sa komedya pero kayang kaya ring mang wasak nang seryosohan. Hindi rin mapagkakaila ang kanilang nakakasindak na presesensya at klarong delivery. Tiyak na mahihirapan ang judges dito lalo na kung A-game at may mga bagong ipapakita ang dalawa.
J-Blaque vs Vitrum
Ang 2021 Isabuhay Champion laban sa 2024 Isabuhay Finalist. Exciting ‘to dahil magtatapat ang dalawang itinuring na dark horse sa kani-kanilang torneo. Halos pantay sila J-Blaque at Vitrum pagdating sa content at kumpyansa. Kaya nilang paghaluin ang komedya at brutalan at mahusay sila mapa rektahan o teknikalan. Kung usapang agresyon, talagang yayanig ang venue kapag bumabanat sila. Wag na kayo magulat kung maging kandidato para sa battle of the night ‘to lalo kung isang daang porsyento ang ipapakita nila.
Marshall Bonifacio vs Empithri
Mukhang magiging sobrang solido nito! Kung pen game lang, alam niyo na dapat kung gaano katindi sila Marshall Bonifacio at Empithri. Maaaring sila ang pinaka mabisa ngayon sa wordplay, metaphors, at references at creative sila bumuo ng mga anggulo. Kitang kita rin ang improvement nila pagdating sa delivery at presensiya sa entablado. Parehas galing sa pagkatalo kaya siguradong gusto nilang bumawi. Sana maibigay nila ang kanilang A-game sa Gubat 15.
Ruffian vs Plaridhel
Humanda sa palitan ng purong lirisismo. Galing sa panalo sila Ruffian at Plaridhel at ibang lebel yung pinakita nila sa mga laban na yun. Dahil diyan, asahan niyong mas lulupitan pa nila sa Gubat 15. Masasabing halong teknikal at street yung stilo ni Ruffian habang mas unorthodox yung sulat ni Plaridhel. Ganunpaman, parehas tumatatak ang kanilang pen game. Maaaring llamado si Ruffian sa delivery pero kita naman natin ang improvement ni Plaridhel sa presensiya. Isa pa ‘tong posibleng kandidato sa battle of the night.
Mimack vs Murdz
Dalawang mababangis sa bagong henerasyon ng Visayas Division ang magtatapat sa Gubat 15. Mahusay bumalanse ng solidong jokes at mabibigat na linyahan si Mimack habang mas teknikal na may halong impluwensya ng leftfield naman si Murdz. Parehas naman silang matindi ang enerhiya sa pagtanghal at laging klaro ang pag-deliver nila. Kung kaya nilang higitan ang nakaraan nilang performances, makakaasa kayo ng todo dikdikan.
Castillo vs Keelan
Hanep yung pinakita nila Castillo at Keelan sa nakaraang mga laban nila kaya talagang exciting ‘to. Bagama’t kilala sila sa creative na komedya at mga anggulo, napatunayan din nila nang ilang beses na nakakasabay sila kung seryosohang durugan ang usapan. Pantay din sila pagdating sa pagiging epektibo ng agresyon. Kapag walang magpapabaya sa kanila at mas lulupitan pa nila ang materyal nila, mukhang magiging bakbakan ‘tong matchup na ‘to.
Nadnad vs Ryl
Duelo ulit ito ng mga representante ng bagong henerasyon ng Visayas Division. Unang sabak ni Ryl ‘to sa main stage pero sa mga nakapanood nung laban niya sa Won Minutes, alam niyang karapat-dapat na siyang mapasama sa Gubat. Mabangis yung pinakita ni Nadnad sa huling battle niya kaya malamang ay ganado siyang lumaban ulit. Parehas mabisa sa well-rounded na stilo at litaw na litaw ang kumpyansa nila kapag nagtatanghal. Unang laban palang ‘to pero asahan niyong magiging dikdikan ‘to.
Para sa pre-sale tickets, 1250 pesos ang SVIP, 850 ang VIP, at 500ang GenAd. Para naman sa walk-in, 1750 ang SVIP, 1350 ang VIP, at 1000 ang GenAd. Bawat ticket ay may kasamang isang libreng FlipTop Beer. Sulit na sulit, noh? Kung nais mong bumili ng pre-sale, mag-PM sa pahina ng liga sa Facebook o bumisita sa Rapollo: Da Konsept Store (Corner Brgy. Paknaan in front of CitiHardware North Road Mandaue City). Kuha na kayo bago pa magkaubusan. 3 PM ay magpapapasok na sa venue at 5 PM naman ang simula ng programa. Sa mga may tickets na, kita-kits nalang sa Gubat 15. Mag-ingay!